Mas sinungaling umano si Senator Alan Peter Cayetano kaysa kay self-confessed Davao Death Squad (DDS) hitman Edgar Matobato.

Ito ang tahasang sinabi ni Senator Antonio Trillanes IV, kung saan kahit baliktarin ang mga rebelasyon ni Matobato ay iisa pa rin ang tinutumbok ng testimonya nito.

“Ang sinasabi niya (Matobato) sa Senado, iyon din ang sinasabi niya. Kung may sinungaling dito, si Senator Cayetano na iyan, may mga binanggit si Sen. Cayetano pero kalaunan ay wala naman sa transcript,” ani Trillanes.

Aniya, may mga pagkakamali sa detalye ni Matobato, pero ang buong testimonya nito ay may katotohanan dahil nga may mga direkta siyang kaalaman kaya kahit butasin pa ito ng mga ilang Senador ay hindi ito mababali.

'Sama n'yo na pag-alis n'yo!' Kustodiya ni Henry Alcantara, pinayagan ng Senado na mapunta sa DOJ

“It was a legitimate, verified information, ang testigo dapat pinipiga hindi binubutasan,” ani Trillanes.

Magugunita na idinawit ni Matobato si Pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Paolo sa mga pagpaslang. Ang presensya ni Matobato sa imbestigasyon ng extrajudicial killings ay nagresulta sa pagkakasibak kay Sen. Leila de Lima bilang chair ng Senate Committee on Justice.

Sa susunod na linggo, muling haharap si Matobato at kikilalanin niya ang mga pulis na sangkot sa DDS.

(Leonel M. Abasola)