UNITED NATIONS (AP) — Tumayo sa United Nations General Assembly si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr., kung saan ipinaliwanag nito ang kampanya ng administrasyon laban sa droga, kasabay ng hiling na huwag masyadong pakialaman ang Pilipinas dahil hindi naman umano labag sa batas ang pinaiiral na sistema.
“We urge everyone to allow us to deal with our domestic challenges in order to achieve our national goals, without undue interference,” ayon kay Yasay sa ministerial meeting ng UN.
“The rule of law and strict adherence to due process fully governs our campaign against corruption and criminality, including the fight against illegal drugs,” dagdag pa nito.
Ang pahayag ni Yasay ay tugon sa lumalalang kritisismo ng international community sa madugong anti-drug campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa pangambang nagbubunsod ito ng paglabag sa karapatang pantao.
Gayunpaman, tiniyak ni Yasay sa UN na sa kampanya ng pamahalaan, sinusunod ang batas at nananaig ang due process.
Sa report, umaabot na sa 3,000 pinaghihinalaang tulak at adik ang napatay simula noong Hulyo.
Sinabi ni Yasay na determinado ang pamahalaang Duterte na wakasan ang distribusyon, pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga.
Ito ay dahil banta na sa kapayapaan at kaayusan ang mga sangkot sa ilegal na droga.