PINATALSIK ng senado si Senador Leila de Lima bilang chairperson ng committee on justice and human rights na nag-iimbestiga sa “extrajudicial killings” dahil hindi raw niya ito pinatakbo nang patas. Iprinisinta kasi niya si Edgar Matobato na testigo sa ikalawang pagdinig ng committee na ang naging tema ng kanyang testimonya ay laban kay Pangulong Digong. Extrajudicial killing din naman pero naganap umano ang mga ito sa Davao City noong alkalde pa ang Pangulo.

Inamin niyang miyembro siya ng Davao Death Squad (DDS) kasama ang mga pulis at dating rebeldeng komunista na pumatay ng mahigit 1,000 katao mula nang umupong mayor ang Pangulo. Ang ilan umano sa mga ito ay iniutos mismo ng Pangulo at ng kanyang anak na si Sebastian Duterte.

Pero, ang ipinalit kay De Lima na si Sen. Richard Gordon ay mukhang hindi rin patas. Ang pagkakaiba lang niya sa kanyang pinalitan ay sa kabila naman siya nakakiling. Kasi hindi pa nagaganap ang ikalawang pagdinig ng committee, na siya ang mangangasiwa, nang siya’y kapanayamin ng mga mamamahayag, sinabi niyang “damage goods” na si Matobato.

Pagkatapos ng ikalawang pagdinig na siya na ang namahala, marami raw butas ang testimonya ng testigo. Minaliit niya ang anumang epekto ng sinabi nito na hindi dapat magbuhat sana sa isang chairman tulad niya. Maaaring may mga butas, dahil isinailalim na ng committee si Matobato sa prosesong pang-korte.

Nang tanungin ng mga senador, lalo na ni Sen. Cayetano, ang testigo ay binusisi nang lubusan ang kanyang deklarasyon.

Kabaligtaran naman ang nangyari sa pagdinig na ginawa ng house committee on justice sa imbestigasyon nito ukol sa talamak na bentahan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison. Bukod sa mga sentensiyado nang magnanakaw, kidnaper at murderer ang mga nagpatunay sa isyung iniimbestigahan, hindi sila sumailalim sa prosesong ginawa kay Matobato gayong ginawaran sila ng immunity. Ang naging maliwanag lang ay sa layuning alamin ang bentahan ng droga, ang lubusang diniinan ng mga ebidensiya ay si Sen. De Lima. Ang senadora raw ang nakinabang sa bentahan.

Higit na makatutulong para lumabas ang katotohanan ay iyong beripikahin sa pamamagitan ng mga hiwalay na ebidensiya ang mga sinabi ng mga testigo sa dalawang imbestigasyong ginagawa ngayon ng kongreso. Ganito raw ang gagawin ni Sen. Trilllanes sa testimonya ni Matobato.

Ganito rin ang gagawin ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre na ilalabas sa mga susunod na pagdinig ang mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLAC) na magpapakita umano ng mga naidepositong salapi ng senadora mula sa mga drug lord.

Ganito ang dapat sanang gawin ng mga mambabatas at hindi iyong sabihin kaagad na mahirap paniwalaan ang testimonya ng kanilang resource persons dahil lang may nababago. Kung sila nga’y pabagu-bago rin ang sinasabi sa bayan at palipat-lipat ng partido. (Ric Valmonte)