KUWENTO ni Aljur Abrenica nang humarap sa press para sa kanyang latest movie na Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli, muntik na siyang umatras sa pag-arte dahil sa mga batikos at puna sa kanyang akting.
May mga kritiko na nagsabing “wooden actor” siya at nagdulot ito sa kanya ng depression.
Kapansin-pansin na nagsimulang dumalang ang pagtanggap niya ng project dahil sa mga batikos na iyon.
Naglaan siya ng oras para sa sarili, nagbiyahe, at nagmuni-muni at napagtanto na marami pa siyang dapat pag-aralan at dapat malaman. Pinag-aralan niya ang kasaysayan ng pelikula at ng acting, at ngayon ay ginagawa na niya ang lahat ng kanyang makakaya.
Naging inspirasyon niya ang buhay ng great actors na dumaan din sa matalim na pagpuna ng mga kritiko.
Kaya ibang Aljur na ang napapanood sa historical bio-pic ni Gil Portes na Hermano Puli.
“Ginawa ko na ‘yung mga alam kong puwedeng gawin para mapaganda ang pelikula,” sabi ni Aljur at idinugtong na magaganda naman ang mga review sa pelikula na palabas na sa mga sinehan simula noong September 21.
“As an actor, I did my best but more than that, ang talagang hinahabol namin, makilala, mabigyan siya (Hermano Puli) ng recognition,” pagmamalaki ni Aljur sa kanyang bagong pelikula. (Ador Saluta)