Bukas ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga suhestiyon sa paggamit ng mga inobasyong teknolohiya na makatutulong sa pagkontrol ng baha, pamamahala sa basura, at kaligtasan ng publiko, urban planning at renewal and traffic management.
Hinimok ni MMDA General Manager Tim Orbos ang private inventors at computer application makers upang tulungan ang ahensya sa pagresolba sa mga problema partikular sa baha at trapiko sa Metro Manila.
Maaaring manggaling ang ayuda sa mga pribadong sektor o indibidwal na may kakaibang imbensyon o aplikasyon, dayuhan o lokal, sa pagbuo ng mga konsepto o “IT-based (information technology)” na mga solusyon sa iba’t ibang mandato ng MMDA.
Ilang grupo na ang umano’y lumapit sa MMDA at nangako ng tulong at pagbabahagi ng kanilang kasanayan upang lutasin ang problema sa baha at pagtatapon ng mga basura.
Nabawasan na umano ang pagbabaha sa Metro Manila subalit kailangan pa rin ang pakikipagtulungan o kooperasyon ng publiko.
Isang “technical working group” ang binuo ng MMDA na tatanggap at magsasagawa ng ebalwasyon sa lahat ng mungkahi na maaaring aprubahan ng ahensya.
Nais ng MMDA na gumamit ng “drones” para sa monitoring system nito sa daloy ng trapiko, baha at iba pang sitwasyon.
(Bella Gamotea)