Hindi makakamit ng Pilipinas ang pinakaaasam nitong gintong medalya sa Olimpiada at tagumpay sa iba’t-ibang internasyonal na torneo kung hindi magbabago ang mga namumuno at mananatili ang politika at sabwatan sa loob ng mga national sports associations (NSA’s) at Philippine Olympic Committee (POC).
Ito ang malalim na opinyon ni dating Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Aparicio Mequi matapos naman unang punahin ang kawalang saysay ng taunang Palarong Pambansa bago nagpahayag ng kanyang kritisismo sa mga namumuno sa iba’t ibang disiplina at sa pribadong organisasyon na namamahala sa sports sa bansa.
“Our sports leaders should realize that if they are not producing world class athletes, there is no reason for them to stay as officials. Ang mahirap kasi, masarap ang biyahe ng biyahe sa iba’t ibang bansa gamit ang pondo na para dapat sa mga kabataang atleta tapos uuwi na wala naman bitbit na medalya,” sabi ni Mequi.
Hindi din nakaligtas kay Mequi ang mga opisyales ng mga national sports associations (NSA’s) na papalit-palit na lamang sa mga nababakanteng posisyon subalit hindi naman nakakapag-ambag maski maliit na programa o maghanap ng mga dekalidad na atleta na magiging representante nito sa mga malalaking torneo.
“We were seven in the SEA Games, the lowest ranking international tournament in our region. We were below the Top 20 in the Asian Games and we were lucky enough to have a silver medal in the just concluded Olympics. There must be something terribly wrong, elsewhere in the direction or program,” sabi ni Mequi.
“We must reform the NSA’s as well as the POC,” sabi pa ni Mequi sa harap ng nagsidalong sports administrators mula sa iba’t-ibang local government units sa bansa na dumalo sa dalawang araw na national consultative meeting at set-up of Philippine Sports Institute sa Multi-Purpose Arena sa Pasig City.
Ipinahayag pa ni Mequi na mas nararapat na lamang na bigyan ng prayoridad ang grassroots sports development upang mapalakas ang mga kabataang atleta at estudyante na matuto ng iba’t ibang sports kumpara sa paggastos sa mga opisyales na madalas na bumibiyahe at nagbabakasyon lamang sa ibang bansa.
“Palakasin natin ang ating mga kabataan sa lahat ng rehiyon at ituro natin sa kanila ang mga paraan para maging de-kalidad na atleta. Sa pagdating ng panahon, saka natin sila makikita na nagbibigay karangalan sa ating bansa at hindi lamang nagiging turista matapos sumabak sa mga torneo,” sabi pa ni Mequi. (Angie Oredo)