Kalaboso ang isang lalaki sa tangkang pagpapasabog sa isang liga ng basketball sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Nahaharap sa kasong illegal possession of explosives si John Paul Quiocho, 26, binata, ng 351 Padre Rada Street, Tondo, Maynila.

Sa report ni Police Supt. Arnold Thomas Ibay, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 2, dakong 4:10 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa loob ng Wagas Basketball Court na matatagpuan sa Wagas St., sa Tondo.

Ayon sa mga testigo, nanonood sila ng liga ng basketball sa lugar nang biglang dumating ang suspek na may bitbit na plastic bag.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Makalipas ang ilang minuto ay tinawag umano ng suspek ang isa sa mga manlalaro at ipinakita ang dalang M26 fragmentation hand grenade tsaka bumulong na, “Itigil n’yo na ‘yang laro, kung ayaw niyong madamay.”

Gayunman, hindi umano pinansin ng mga manlalaro si Quiocho kaya nagbunot ito ng baril, tsaka inilabas ang dalang granada hanggang sa nagkagulo at kumaripas ang mga manlalaro at manonood.

Nang mag-isa na umano sa loob ng court ang suspek, na kapansin-pansin ang pagkabalisa, ay nagpaputok ito ng baril sa sahig at tinanggal ang pin ng granada at inihagis sa sahig na masuwerteng hindi sumabog. (Mary Ann Santiago)