GOOD vibes Monday ang hatid ng Good News bukas (Lunes, Setyembre 26).
Masayang sorpresa ang hatid ng Good News para sa isang lola na die-hard fan ng Eat Bulaga at pati na sa kanyang pamilya. Ano kaya ang birthday surprise na hinding-hindi niya malilimutan?
Dadalhin din ng programa ang viewers sa Bulacan, ang isa sa mga sikat na historical spots ng bansa. Dito matatagpuan ang simbahang saksi sa pagsilang ng unang republika ng Pilipinas. Dito rin matututuhan ang sining ng paggawa ng pabalat ng pastillas na manu-manong ginugupit. May isang isla ring puwedeng puntahan kasama ng mga mangingisda sa paghuli ng mga sariwang lamang-dagat.
Ang Cavite naman ay may bahaging napapalibutan ng dagat, sagana sa mga putaheng minana pa mula sa ating mga ninuno.
Mayroon ding Tamales na nagsimula sa Mexico at ngayon ay paboritong ipalaman o iulam ng mga Kabitenyo. Ang Pansit Pusit naman, nagmula sa mga mangingisda noon pang Galleon Trade. Hindi rin daw tayo bibiguin ng Ginisang Itlog ng Isda na masarap ding ihalo sa pasta.
‘Ika nga nila, everyone deserves a second chance. Ang mga bagay na patapon tulad ng lumang handles, laspag na plato’t baso, pati na rin ang tinidor, puwede pang magkaroon ng bagong buhay sa pamamagitan ng eco-friendly recycling.
Simulan ang linggong masaya. Manood ng Good News bukas, 8 PM, sa GMA News TV.