Mga laro ngayon

Smart Araneta Coliseum

2 p.m. UP vs. FEU

4 p.m. NU vs. UST

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Itala ang unang back-to-back na panalo ang pag-uunahan ng University of the Philippines at defending champion Far Eastern University ngayong taon habang hangad din ng season host University of Santo Tomas sa dalawang magkahiwalay na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Maghaharap sa unang laban ang UP at FEU sa ganap na 2:00 ng hapon habang makakatunggali naman ng UST ang bumulusok sa dalawang dikit na kabiguan sa nakaraan nilang mga laban na NU sa ganap na 4:00 ng hapon.

Magkakasalo sa four-way tie sa ikatlong posisyon kasama ng Ateneo de Manila at National University sa team standings taglay ang parehas na 2-2 panalo-talo karta ang Tamaraws at Tigers.

Nakatikim na rin ng panalo sa nakaraan nilang laro pagkaraan ng panimulang tatlong sunod na talo ang Fighting Maroons.

Tatangkain ng Maroons na dugtungan ang naitalang unang tagumpay kontra University of the East Red Warriors, 75-71, noong Miyerkules habang hangad ng Tamaraws masundan ang naiposteng ikalawang panalo kontra din sa UE.

Inaasahang magiging malaking tulong para sa Tamaraws ang pagbabalik sa aksiyon ng kanilang mahusay na sophomore guard na si Wendell Comboy na hindi pinalaro ng mga doctor sa nakaraang laban nila sa Warriors makaraang magtamo ng “concussions” sa ulo pagkatapos na mahampas ito sa sahig sa isang di inaasahang aksidente sa kanilang ensayo.

Maliban kay Comboy, sasandigan muli ni coach Nash Racela na patuloy sa paghahanap sa consistency ng laro ng kanyang mga manlalaro sina team skipper Reymar Jose, Ron Dennison, Axel Inigo , Monbert Arong at Prince Orizu.

Naniniwala naman si UP coach Bo Perasol na may kakayahan silang makipagsabayan sa Tamaraws.

“I hope we could capitalize on this and, well, there’s 10 more games,” sabi ni Perasol.

“That’s going to be a challenge for us, but we know we have what it takes to also compete with FEU,” dagdag pa nito.

Sa tampok na laro ay magsusumikap ang Bulldogs na makaiwas sa ikatlong sunod na kabiguan sa pagsagupa nila sa Tigers na hangad namang makapagtala ng unang back-to-back win sa season kasunod ng 83-77 panalo nila sa UP.

(Marivic Awitan)