Inirekomenda na patawan ng lifetime ban ang dalawang atleta sa beachvolleyball matapos na umatras sa huling sandali bago magtungo ang delegasyon ng Pilipinas na sasabak sa 2016 Asian Beach Games sa Danang, Vietnam simula Setyembre 24 hanggang Oktubre 5, 2016.
Ito ang napag-alaman ng isang mataas na opisyales ng Larong Volleyballng Pilipinas Incorporated (LVPI) matapos na unang magkumpirma na ang tatlo kataong miyembro ng men’s beach volley subalit hindi na nagpakita sa delegasyon na umalis noong Biyernes, Setyembre 23.
“They are supposed to play for the country, and not for anything else.
It’s not about dahil hindi nakasama ang coach n’yo kaya hindi na rin kayo maglalaro or dahil may ibang grupo na ayaw pasamahin kung sino man iyon opisyales,” sabi ng opisyales ng LVPI.
Isa sana ang men’s beach volleyball sa inaasahang posibleng makapagwagi ng medalya sa kada dalawang taon na torneo matapos na huling tumapos na ikapitong puwesto at mahigit na pitong buwan na nagsanay para sumabak sa torneo bago na lamang biglaang umatras.
Nakatakda naman sumabak ang delegasyon ng Pilipinas na binubuo ng 72 atleta na sasali sa 11 sports kabilang ang 3-on-3 basketball, marathon swimming, beach athletics, beach kurash, beach rowing, beach sepak takraw, beach volleyball, beach wrestling, jiu-jitsu, muay thai, at pencak silat.
Nakalista din sina Marestella Torres na sasali sa beach athletics at Jessie Khing Lacuna sa marathon swimming. Si Torres-Sunang at Lacuna ay matatandaang parte ng national delegation sa 2016 Summer Olympics na sumabak sa Rio de Janeiro, Brazil noong Agosto.
Huling sumali ang Pilipinas sa 2014 Asian Beach Games sa Phuket, Thailand saan nagawang iuwi ni Maybelline Masuda ang pinakaunang gintong medalya ng bansa sa Women’s –50 kg Ju-jitsu. Sinundan ito ng isang pang ginto kay Annie Ramirez sa Women’s –60 kg Ju-jitsu at kay Gaylord Coveta sa windsurfting RS2.
Umuwi ang delegasyon na may tatlong ginto, dalawang pilak at pitong tanso para sa kabuuang 12 medalya na siyang pinakamatagumpay na kampanya nito sapul sumali sa Beach Games. (Angie Oredo)