Umaabot sa 60 showbiz personalities ang lulong sa droga, at ang pangalan ng mga ito ay hawak na ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang tiniyak ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairman Martin Diño, kung saan ang master list ng ‘narco-celebs’ ay naglalaman umano ng pangalan ng mga dati at aktibong singers, dancers at mga artista.

Ang mga ito ay mula sa kampo ng ‘kapuso‘ kapamilya’, at ‘kapatid’, kung saan sa larangan ng paggamit at pagtutulak ng illegal drugs, tinatawag sila ni Diño bilang ‘kadroga’.

“We believe our list has reached the President. We do hope it will be the same personalities already included in his list,” ani Diño sa kanyang pagharap sa Kapihan sa Anabels news forum sa Quezon City.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nang tanungin si Diño kung may taga-media sa listahan, tumango ito.

Sinabi ni Diño na party drugs at shabu ang tinitira ng mga nasa listahan na ngayon ay pinapa-validate na ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Samantala hindi naman pabor si Diño sa panawagan ni actor Robin Padilla na huwag pangalanan ang mga taga-showbiz na gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga. Dapat umanong maging patas ang anti-drug war ng Pangulo, kung saan maraming opisyal ng pamahalaan, pulis at militar ang pinangalanan.

“Dapat fair and square. Kung sinabi na isang tanod ang involved sa drugs, ganoon din dapat sa kanila,” ani Diño.

Sa kabila nito, kailangan din umanong mabigyan ng tsansa ang mga taga-showbiz na sumailalim sa rehabilitasyon at magbago. (Ben R. Rosario)