NAGSAGAWA ng Senate inquiry kahapon kung pagkakalooban ng emergency powers ng Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte– isang paraan, ayon sa mga eksperto, para matugunan ang tumitinding problema sa trapiko sa Metro Manila.
Kabilang sa tinalakay sa hearing ang mungkahi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ipatupad ang tinatawag na telecommuting at teleclasses system.
Pinapahintulutan nito ang ilang mga manggagawa na gawin ang kanilang trabaho, at isagawa ang mga klase para sa mga estudyante, sa bahay sa tulong ng Internet. Sa gayon, hindi na nila kailangan bumiyahe patungong trabaho at paaralan.
Ayon sa DICT, makababawas ito sa bilang ng mga sasakyan na bumibiyahe sa mga pangunahing kalsada araw-araw.
Gayunman, tinanong ni Sen. Ping Lacson ang DICT kung paano nila epektibong maisasagawa ang kanilang mungkahi kung ang Pilipinas ay may sub-standard at mabagal na Internet.
Ipinaliwanag ng DICT na kailangan ng halos 67,000 cell sites ang maipatayo sa iba’t ibang dako ng Pilipinas para matamo ang mabilis na Internet.
Sa ngayon, mayroong halos 25,000 cell sites sa buong Pilipinas. Ngunit nahihirapan ang telecommunications companies para magtayo ng karagdagang cell sites.
Dahil ito sa mahabang proseso na kailangan nilang maranasan sa pagkuha ng mga permit mula sa mga local government unit.
Inihayag ng DICT na ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Duterte ay makatutulong para mapabilis ang implementasyon ng nasabing proyekto.
“Basically, because of so many red tapes. So, we need emergency powers for the president to oversee the red tapes for permits being granted by local governments,” ani DICT Usec. Eliseo Rio Jr sa UNTV News.
Sa kabilang dako, nagpaliwanag naman ang iba pang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa senate hearing. Ayon sa kanila, maraming bagay ang dapat ikonsidera bago pahintulutan ang pagtatayo ng cell sites, tulad ng lokasyon at negatibong epekto ng radiation sa mga malalapit na residente.
Gayunman, hindi natalakay ang single traffic authority na isang isyu rin sa hearing.
Dahil ito sa mga hindi dumalong mayor na inimbitahan sa Senado para hingin ang kanilang saloobin.
“We can see the problem in various municipalities and cities. It’s sad that other mayors failed to attend. So, you will see if this is really their priority. It’s wrong they did not attend,” sabi ng Senate Committee on Public Services Chairperson na si Sen. Grace Poe.
Sa ilalim ng kasalukuyang patakaran, nag-iiba ang traffic schemes at penalties sa mga munisiplidad o lungsod.
Madalas ang iba’t ibang patakaran sa trapiko ang nagpapagulo o nagpapalito sa mga motorista na nagreresulta sa mas matinding pagsikip sa trapiko.