HINDI marahil marami ang nakaaalam na aabot sa P40 milyon ang kakailanganin taun-taon upang mamantini ang Bataan Nuclear Plant, na ilang dekada nang nakatiwangwang sa Napot Point sa Morong, Bataan. Taong 1976 nang simulan ang konstruksiyon sa planta. Idinisenyo ito para sa dalawang 600-megawatt nuclear reactor sa halagang $500 million, ngunit nang matapos na ang konstruksiyon noong 1984, na iisang reactor lamang ang aktuwal na naitayo, lumobo na sa $2.3 billion ang nagastos dito.
Makaraang magwakas ang gobyerno ni Ferdinand Marcos noong 1986, nagdesisyon ang administrasyon ni Cory Aquino na huwag nang gamitin ang planta, tumalima sa matinding pagtutol ng mga residente ng Bataan at ng iba pang kumuwestiyon sa integridad ng konstruksiyon nito. Idinemanda ng gobyerno ng Pilipinas ang Westinghouse dahil sa umano’y labis na pagpepresyo at panunuhol, ngunit natalo ang kaso sa korte ng United States. Sa sumunod na dalawang dekada, kinailangang bayaran ng gobyerno ang mga obligasyon nito sa planta, at noong 2007 lamang natapos ang pagbabayad para rito.
Mayroong panahon na hiniling sa Korea Electric Power Corp. na inspeksiyunin ang planta at tasahin kung kakasya na ang $1 billion para maisalalim ito sa rehabilitasyon. Ngayong 2016, nakumpirma ang nasa 2,000 depekto sa istruktura.
Ito na ngayon ang lagay ng Bataan Nuclear Plant na noong nakaraang linggo ay ipinabisita ng Department of Energy sa ilang miyembro ng Kongreso para matukoy kung maaari pang mapakinabangan upang maibigay ang kinakailangan na karagdagang kuryente para sa mga industriya sa Pilipinas.
Hindi kailanman nagmaliw ang pagsusulong sa pagkakaroon ng nuclear power ng mga naniniwala na ang enerhiyang nukleyar ay isa sa pinakamatipid at pinakaligtas na pagkukunan ng kuryente ng mundo sa ngayon. Mayroong plantang nukleyar sa 31 bansa, sa pangunguna ng United States, France, Russia, South Korea, China, at Canada. Pinangangasiwaan ng mga bansang ito ang mahigit 440 commercial power reactor at 60 pang reactor ang ginagawa sa kasalukuyan.
Sinabi ng World Nuclear Association na mahigit 45 bansa ang seryosong ikinokonsidera ang pagkakaroon ng nuclear power, kabilang na ang Belarus, Iran, Jordan, Turkey, United Arab Emirates, at ang kapwa natin kasapi ng ASEAN na Vietnam. Nagpapalawak naman ng umiiral na nitong enerhiyang nukleyar ang China, India, at South Korea.
Samantala, ilang bansa naman ang nananatiling tutol sa pagkakaroon ng nuclear power, kabilang na ang Australia, Austria, Denmark, Greece, at Ireland. Ngayong taon, isinara na ng Italy ang lahat ng nuclear station nito. Nakatakda namang itigil ng Belgium, Germany, Spain, at Switzerland ang paggamit nila ng enerhiyang nukleyar.
Sa pagkakaiba-ibang ito ng mga pananaw at paninindigan tungkol sa nuclear power, paano na tayo rito sa Pilipinas?
Mayroong nagsasabi na ang mga bagong reactor ay hindi hamak na ligtas kaysa mga luma, na ang enerhiyang nukleyar ay mas malinis kumpara sa mga coal plant na nagkakaloob ng malaking bahagi ng kuryente sa ating bansa sa ngayon.
At nariyan din ang mga nagsasabing maaaring magdulot ng panganib dito ang mga kalamidad, gaya ng tsunami sa Fukushima, Japan, at lubhang lapitin ng kalamidad ang Pilipinas, gaya ng pagsabog ng bulkan, lindol at malalakas na bagyo, bukod pa sa napakarami naman nating iba pang mapagkukuhanan ng enerhiya, gaya ng araw, hangin, at tubig.
Sinabi ng ilan sa mga senador na nagtungo kamakailan sa nakatiwangwang na Bataan Nuclear Plant (BNP) na bukas sila sa pangkalahatang ideya sa paggamit ng nuclear power upang lumikha ng kuryente, ngunit ang BNP, na itinayo batay sa mga planong umiiral noong 1976, ay maaaring magdulot ng matinding panganib sa bansa, lalo na dahil nakatayo ito sa lugar na delikado sa lindol at malapit sa mga bulkan, tulad ng Bulkang Pinatubo na sumabog noong 1991.
Ano man ang maging pinal na desisyon, dapat na huwag na itong ipagpaliban pa. Nagsasayang tayo ng P40 milyon kada taon upang mamantini ang BNP nang hindi nakakukuha ng kahit isang watt ng kuryente mula rito. “Either we operate it or we scrap it altogether,” sabi ni Senador Victor “JV” Ejercito. Kilala sa pagdedesisyon nang walang pag-aalinlangan, dapat na makialam na ang administrasyong Duterte at pagpasyahan ang usapin.