Nangisay at namatay matapos makuryente ang isang lalaki sa pagkuha ng mga kawad ng kuryente mula sa poste ng Manila Electric Company (Meralco) sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sunog at nakalambitin pa sa mga kable ng kuryente ang bangkay ni Edwin Talaman, alyas “Yet”, 50, ng 2732 Lico St., Tondo, Maynila nang datnan ng mga awtoridad.
Sa report ni PO3 Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 3:30 ng madaling araw nadiskubre ang bangkay sa poste.
Nauna rito, dakong 2:00 ng madaling araw ay kinontrata umano ng isang Danilo Cruz ang biktima na tanggalin ang mga nakabitin na linya ng kuryente sa harapan ng kanilang bahay.
Minalas naman umano na isang live wire ang naputol ni Talaman dahilan upang siya’y makuryente at mamatay.
(Mary Ann Santiago)