CARSON, California – Kung husay at galing, hindi pahuhuli ang sumisikat na si Mark “Magnifico” Magsayo. Kaya’t hindi masisisi si hall-of-famer Freddie Roach sa pagbibigay ng suporta sa 21-anyos Pinoy phenom.
Iginiit ni Roach na handa na ito sa kanyang laban para maidepensa ang WBO title kay Ramiro Robles ng Mexico sa supporting bout ng laban ni Donnie Nietes. Nagsanay si Magsayo sa sparring session kay WBA world featherweight champion Jesus Cuellar ng Argentina.
“Katimbang ko siya pero mukhang mahirapan tayo dun. Magandang experience na naka-spar ko siya kasi marami din ako natutunan,” pahayag ni Magsayo. “Pero kung darating ang panahon na makalaban ko siya, laban tayo. Basta paghandaan lang talaga.”
Kinatatakutan ang 29-anyos na si Cuellar (28-1, 20 knockout) sa kanyang division kung saan kabilang sa kanyang pinulbos sina Vic Darchinyan ng Armenia at Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico.
“Hindi pa rin mag-kumpiyansa sa laban,” sambit ni trainer Edito Villamor. Kahit one week practice lang, ang mga Mexicans naman kasi all-year round kundisyon ang mga yan,” aniya. (Dennis Principe)