ANG walang-puknat na pagpuksa ng Duterte administration sa kasumpa-sumpang illegal drugs, anuman ang pananaw ng sinuman, ay walang alinlangang naging dahilan ng pagkalumpo ng mga sindikato ng ipinagbabawal na gamot; nabawasan nang malaki ang mga gumagamit at nagbebenta ng naturang droga.

Subalit hindi rin mapuknat-puknat ang pagtatanong: Bakit dito lamang nakatuon ang pakikidigma ng administrasyon at tila hindi napapansin ang illegal gambling na talamak din sa halos lahat ng sulok ng kapuluan?

Ang ilegal na droga at sugal ay itinuturing na magkakambal na salot na laging nakakawing sa kriminalidad at mga katiwalian na nais ding mapuksa ng administrasyon sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni General Ronaldo dela Rosa.

Marapat lamang lipulin ang lahat ng uri ng bisyo na pumipinsala sa lipunan at sa mismong mga mamamayan.

Nakapanlulumong sariwain ang nakadidismayang problema sa illegal gambling na tila ayaw salangin ng kinauukulang mga awtoridad. Ang jueteng, halimbawa, ay nananatiling namamayagpag sa halos lahat ng nakaraang administrasyon.

Maraming pagtatangka na ito ay pinuksa, subalit marami ring pagkakataon na mismong mga alagad ng batas ang laging nabibigo sa pagsugpo nito.

At iisa ang laging lumulutang na dahilan sa pananatili ng jueteng: May basbas, wika nga, ang pinakamataas na lider ng bansa.

Kaakibat ito ng limpak-limpak na salapi na isinusuhol hindil lamang sa mga opisyal ng pamahalaan kundi maging sa mga pinuno ng PNP.

Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay halos hayagan ang pananatili ng naturang sugal.

Natatandaan ko ang laging ipinahihiwatig ng isang Arsobispo: Presidente lamang ang makapagpapatigil ng jueteng at iba pang sugal; tiyak na susunod sa kanyang kumpas ang PNP, mga gobernador, mayor at mga barangay official. Maliwanag na walang nakagawa nito.

Isang aksiyon na maituturing na ‘band-aid remedy’ ang natatandaan kong isinulong ng mga nakaraang administrasyon.

Ipinatupad ang Small Town Lottery (STL) upang mapagtakpan lamang marahil ang jueteng.

Subalit ito ay nabalot din ng mga alingasngas na sinasabing pinakinabangan ng ilang gahamang opisyal ng gobyerno.

Ang pagkabigong lipulin ang jueteng ay hindi malayong makaapekto sa kasiya-siyang resulta ng kampanya ng administrasyon laban sa illegal drugs. Dahil dito, dapat sabay na puksain ang naturang magkakambal na salot.

(Celo Lagmay)