Tinawag na walang katuturan ng isang samahan ng mga guro sa pribadong paaralan noong Biyernes ang suhestyon na ilipat ang Christmas break ng mga estudyante sa mas maagang petsa ng Disyembre.

Sinabi ng Federation of Associations of Private Schools & Administrators (FAPSA) na ang rekomendasyon ni Senator Grace Poe na mas paagahin ang Christmas break sa mga eskuwelahan upang makaiwas sa masikip na trapiko ay “illogical” at “unscientific.”

“FAPSA does not believe the efficacy of the suggestion but instead, shall present reversal effect,” sabi ni FAPSA President Eleazardo Kasilag.

Una nang nagpahayag si Poe na hihilingin niya kay DepEd Secretary Leonor Briones na ikonsidera ang paglilipat sa simula ng Christmas break sa mga eskuwelahan sa mas maagang petsa sa Disyembre. Katwiran niya, ito ay para makaiwas ang mga estudyante sa “holiday rush” at mabawasan pagsikip ng trapiko sa pinakaabalang panahon ng taon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ipinanukala ni Poe, Chairperson ng Senate Committee on Public Services, na maaaring payagan ang mga eskuwelahan na magbakasyon nang maaga simula Disyembre 12.

Kontra ni Kasilag, kapag pinaaga ang bakasyon ay hindi naman uuwi ang mga estudyante sa Manila sa mga probinsiya at sa halip ay hihikayatin lamang nito ang mga estudyante sa mga lalawigan na magtungo ng Metro Manila upang makita ang mga tanawin at atraksyon na wala sa kanilang mga lugar.

Magreresulta lamang aniya ito sa pagliliwaliw ng mga estudyante na lalo namang magpapalala ng trapik sa Kamaynilaan.

(MERLINA HERNANDO-MALIPOT)