Lumapit pa ang Perlas Pilipinas sa posibleng awtomatikong pagkakasungkit sa korona matapos na makapaghiganti sa Indonesia, 72-56, para sa ikaapat nitong sunod na panalo sa ginaganap na single round na elimination ng 2016 SEABA Women’s Championship sa Bukit Serindit Indoor Stadium sa Malacca, Malaysia.

Nakatakdang sagupain ng Pinay cagebelles kagabi ang pumapangalawa dito at kapwa hindi pa din nakakatikim ng kabiguan na Malaysia habang huli nitong makakasagupa ang nagpatalsik dito sa labanan para sa medalya noong 2015 Singapore SEA Games na Thailand.

Agad na masusungkit ng Perlas Pilipinas ang gintong medalya kung mawawalis ang huling dalawang laro laban sa Malaysia (3-0) panalo-talo at Thailand (1-2) panalo-talong kartada.

Sinandigan ng Perlas Pilipinas si Allana Lim na nagtala ng team high 24 puntos kasunod si Cindy Resultay na may 15 puntos. Nag-ambag naman sina Afril Bernardino ng walong puntos, Analyn Almazan na may pito, Raiza Dy na may anim at sina Chack Cabinbin at Camille Sambile na may tig-apat na puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Una nang nagwagi ang Nationals sa kanilang nakalipas na tatlong laro sa SEABA matapos gibain ang Vietnam, 134-56, noong Huwebes ng gabi pati ang Singapore, 69-43 at ang Laos, 179-32.

Matatandaan na huling Philippine team na nagreyna sa SEABA ay ang tropa nina Cassie Tioseco, Melissa Jacobs at Nita Grajales na hinawakan ni coach Heidi Ong noong 2010 sa Ninoy Aquino Stadium.

Bagaman tinalo ng Perlas Pilipinas ang Malaysia sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore nakabawi naman ang Malaysians sa 2015 FIBA Asia Women’s Championship. (ANGIE oredo)