“HINDI isyu rito si Sen. Leila De Lima,” sabi ni Chairman Umali ng House of Representatives justice committee, “kundi ang talamak na bentahan ng droga.” Sa dalawang araw na pagdinig ng committee, inilahad lang ng mga ebidensiya na inihain ni DoJ Secretary Vitaliano Aguirre ang bentahan ng droga upang diinan ang pagkakasangkot dito ng senadora.
Malaking drug money daw ang naibigay dito na ginamit niya sa kanyang kandidatura.
Mahirap paniwalaan ang sinabi ng Palasyo na walang kinalaman si Pangulong Digong sa imbestigasyong isinagawa ng house committee on justice. Malaki ang galit niya sa senadora. Noong chairperson pa ang senadora ng Commission on Human Rights (CHR), nagtungo ito sa Davao upang imbestigahan ang mga extrajudicial killing na sa panahong ito, ang alkalde ay si Pangulong Digong. Ayon mismo sa Pangulo, idinawit daw siya ng senadora sa Davao Death Squad (DDS) na siyang nagsasagawa ng summary execution.
Kaya, maliwanag na nasa likod si Pangulong Digong sa pagpapatalsik sa senadora bilang chairperson ng senate committee on justice and human rights. Ang isyung dinidinig nito ay siya ring isyung inimbestigahan ng senadora noong siya ay nasa CHR - extrajudicial killing. Hindi raw patas na pinatakbo ng senadora ang mga imbestigasyon. Naging mitsa ng kanyang pagkatanggal ang kanyang pagprisinta kay Edgar Matobato bilang resource person ng committee. Ang idineklara nito ay iyong ukol sa mga pagpatay na naganap sa Davao City noong alkalde pa si Pangulong Digong, samantalang ang iniimbestigahan ng committee ay iyong mga nagaganap ngayong mga summary execution. Marahil ang nais ipakita ng senadora ay ang pagpatay noon sa Davao City noong alkalde pa si Pangulong Digong ay pareho ng pagpatay na nangyayari ngayon sa bansa.
Ang reklamo ng mga kapanalig ni Pangulong Digong sa senado, lalo na si Sen. Alan Cayetano, ay sinisira raw ni Sen. Leila De Lima ang Pangulo. Nakasisira raw sa imahe ng bansa. Natatakot daw tuloy magtungo rito sa bansa ang mga kapitalista para rito magnegosyo dahil pinalalabas nga ng imbestigasyon na mamamatay-tao ang Pangulo. Hindi ba ganito rin ang sinabi ni dating VP Binay kina Cayetano, Trillanes, at Pimintel na sinisiraan lang siya nang imbestigasyon nila kaugnay ng anomalya sa Makati? Tumatakbong Pangulo noon si VP Binay at pinalabas na siya ay corrupt. Kung nakabuti sa bayan ang hindi pagkahalal kay VP dahil lubusang nakasira sa kanya ang imbestigasyon, ibang usapan ito.
(Ric Valmonte)