Inatasan ni Pangulong Duterte ang militar “[to] take full control” sa dalawang paramilitary force sa Mindanao na nasasangkot sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga Lumad.
Sa kanyang pagbisita nitong Huwebes sa Camp Vicente Alagar sa Cagayan de Oro City, iginiit ng Presidente ang pagkontrol sa mga militia group upang mapanatili ang kapayapaan sa mga komunidad ng mga katutubo sa Mindanao.
“I have noticed from many reports that the government-backed — mga paramilitary units are still operating, I am now ordering the Army to take full control itong mga Bagani Command and the — there is another group I forgot the name,” ani Pangulong Duterte.
Aminado ang Presidente na ang mga miyembro ng paramilitary na inarmasan ng gobyerno ay magbubunsod sa “undermine the peace process” sa bansa.
“Mahinto na sana ito because we are really trying our best to come up with a peaceful country,” aniya.
Ang Bagani Command ng Surigao del Sur at isa pang tribal militia na Alamara ng Davao del Norte ay parehong inakusahan ng mga human rights group ng pagdudulot ng karahasan laban sa mga katutubo.
Dahil sa mga pag-atake, daan-daang pamilyang katutubo ang umalis sa kani-kanilang tahanan.
Sinabi ni Duterte na dahil sa digmaan ng mga ideyolohiya, ilang tao sa kanayunan ang nahahati “between the devil and the deep blue sea.”
“Some have allied with the communists becoming the parang partisans and itong gobyerno naman some of the civilians would join an organization that would beat against the communists,” paliwanag niya. (Genalyn D. Kabiling)