Maaari umanong sisihin si dating Pangulong Benigno S. Aquino III sa paglaki ng gusot sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng usapin ng teritoryo, ayon kay Pangulong Duterte.
Aniya, nagkaroon ng lamat ang magandang ugnayan ng dalawang bansa matapos tutulan ng nakaraang administrasyon ang joint gas exploration sa South China Sea.
“We had this scientific, you know, it was supposed to be—actually it was just a legalese, lang ‘yun in a diplomatic way to really—towards a joint venture,” pahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang pagbisita sa Misamis Oriental nitong Huwebes.
“Nung umakyat si Aquino tinabla niya, so, kaya galit ang China. Galit talaga sa kanya,” diin ng Pangulo tungkol kay Aquino na nagsulong ng arbitration case laban sa China.
Hindi tulad ni Aquino, mas pinili ni Pangulong Duterte na mas maging maayos ang ugnayan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng bilateral talks upang maisaayos ang kasunduan sa South China Sea.
“Hindi naman tayo pwedeng mag-gyera, mag-usap na muna tayo. And there will be a time, there is always a time in this world: the time to talk, a time to war, a time for bloody, and a time to be purified. It’s not the time because we cannot depend on anybody except us,” sambit ng Pangulo.
“I do not expect United States to die for us so we will just have to navigate our way around here,” dagdag niya.
Kinumpirma ng Pangulo ang kanyang plano na bumisita madalas sa China sa panahon ng kanyang panunungkulan: “You will see me more often in China,” aniya. (Genalyn D. Kabiling)