Mistulang hindi lamang ang mga bulsa ng mga pulitiko ang sinasabing nakikinabang sa drug money kundi maging ang stocks ng ilang korporasyon sa Pilipinas.

Sinabi kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hihilingin niya sa National Bureau of Investigation (NBI) na busisiin ang mga bank account ng ilang indibiduwal at korporasyon na nauugnay sa bentahan ng ilegal na droga.

“Mas magaling ang NBI diyan kaysa sa amin and we have no people to pursue these leads,” ani Aguirre.

Aniya, nakatanggap ang Department of Justice (DoJ) mula sa NBI ng kopya ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) report sa pagsisiyasat sa mga bank account ni Senator Leila de Lima at ng mga nauugnay sa huli, kaugnay ng kalakalan umano ng droga sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Makita ang link na iyan kung makita ang isang corporation. Kung makita ang stockholders, lumabas ang pangalan na ito. Ito kaibigan ito ni ganito,” paliwanag ng kalihim, kinumpirmang may mga stockholder na kaibigan ng mga drug lord.

Sinabi pa niya na batay sa AMLC report, iimbestigahan nila ang 10 katao na nauugnay kay De Lima na natukoy na may mga kahina-hinalang transaksyon umano.

Una nang itinanggi ni De Lima ang akusasyon ni Aguirre na aabot sa daan-daang milyong piso ang nakadeposito sa kanyang bank account, galing umano sa mga drug transactions.

“I have no millions or billions in my bank accounts. And I have no dummy accounts. Any alleged accounts that would be linked to me and my alleged drug links can only be fictitious,” ani De Lima.

(Jeffrey G. Damicog at Leonel M. Abasola)