Kung hindi matiis ng mga dayuhang negosyante at mamumuhunan ang hindi magagandang nasasabi niya o ang madugo at kontrobersiyal niyang kampanya laban sa droga, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang pakialam kung magsialis ang mga ito sa bansa.

Katwiran ng Presidente, maaari naman siyang bumaling sa iba pang kaalyado ng Pilipinas, gaya ng China at Russia, para sa pamumuhunan ng mga ito sa bansa.

“Do not keep on complaining about my mouth because my mouth is not the problem, it cannot bring down a country,” sinabi ng Pangulo nang bumisita siya sa isang kampo ng militar sa Cagayan de Oro City nitong Huwebes.

“Ang issue dito, hindi ‘yung bunganga ko. And they would say (it would affect) the rating sa business, sa economy, then so be it. Lumayas kayo. Then we will start on our own,” sinabi ni Pangulong Duterte, tinukoy ang mga pangambang makaaapekto sa ekonomiya ng bansa ang patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa droga.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“I can go to China, I can go to Russia. I had a talk with them, they are waiting for me so what the hell?” dagdag niya.

Ito ang naging reaksiyon ni Duterte matapos na magbabala ang Standard and Poor’s (S&P) credit rating agency sa posibilidad ng downgrade dahil sa “uncertainties” sa mga polisiya ng gobyerno.

Gayunman, hindi naman humingi ng paumanhin si Duterte sa paraan niya ng pananalita laban sa mga hinihinalang sangkot sa droga at sa mga kritiko niya maging sa ibang bansa, sinabing hindi naman siya statesman.

“I never took a course of statesmanship, and I do not intend to be one,” anang Presidente, na kamakailan ay nagsalita ng hindi maganda sa European Union, kay United Nations Secretary General Ban Ki-moon at kay United States President Barack Obama. “Kapag minsan, sabi nila na hindi daw ako statesman, eh hindi naman ako nag-apply ng position na statesman, nag-apply ako ng posisyong presidente, na-elect ako.”

‘IRRESISTIBLE LARGE MARKET’

Kaugnay nito, sinabi naman kahapon ni Senate Minority Leader Ralph G. Recto na sa fiscal incentives naaakit ang mga mamumuhunan sa Pilipinas, kaya tiyak na hindi naaapektuhan ang mga ito sa sinasabi ng Presidente.

“They go to where money can be made. The Philippines is an irresistible large market of over 100 million consumers,’’ paliwanag ni Recto.

“But that is not to say that we should condone presidential outbursts. I think those close to him should start speaking truth to power and remind him that good statecraft requires the discipline of carefully choosing the right words for the right occasion,’’ dagdag niya. (GENALYN D. KABILING at MARIO B. CASAYURAN)