MARAMI sa ating kababayan ang hindi naiwasang magulat at halos hindi makapaniwala sa naging bunga matapos ang tatlong pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights na ang dating chairperson ay si Sen. Leila de Lima sa mga extrajudicial killings kaugnay ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra-droga. May 3,000 drug puher, user at inosenteng sibilyan ang napatay sa police operations, vigilantes at ng drug syndicate. Araw-araw ay may napapatay sa police operations.

Sa ikatlong pagdinig, ibinunyag ni Edgar Matobato, miyembro umano ng Davao Death Squad, ang umano’y pagkakasangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte noong siya’y alkalde pa ng Davao City sa pagpatay umano ng 1,000 katao na karamihan ay mga kriminal at mga kalaban sa pulitika sa Davao City. Sa pahayag ni Matobato ay 50 katao ang kanyang napatay. Matapos ang nasabing pagdinig, nang mag-session sa Senado noong Setyembre 20, pinatalsik si Senador de Lima bilang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights. Sa boto na 16-4-2 ng mga senador, pinatalsik si Senador Leila de Lima at ang walong miyembro ng komite. Idineklarang bakante ang mga posisyon sa komite. Inihalal ng Senado si Sen. Richard Gordon bilang bagong chairperson ng komite at vice chair si Sen. Panfilo Lacson. Naghalal din ng mga miyembro ng komite, kasamang inihalal si Sen. De Lima.

Bago nangyari ang pagpapatalsik kay Sen. De Lima bilang chairperson, nag-privilege speech si Sen. Alan Peter Cayetano. Sa kanyang talumpati, inakusahan niya si De Lima sa pagsira sa imahe ng administrasyon sa giyera kontra-droga. Nag-walk out naman si Sen. De Lima. Ang kanyang pag-alis ay upang tutulan ang planong patahimikin siya. Sa kanyang pahayag, sinabi ng palabang Senadora na hindi siya ang sumisira sa imahe ng bansa kundi ang nagaganap na mga pagpatay.

May iba’t ibang reaksiyon sa pagpapatalsik kay Sen. De Lima. May mga kababayan tayo na nagsabing resulta ng masamang pulitika ang pagpapatalsik sa matapang na senadora. May nagsabi naman na maaaring may basbas ang Malacañang sapagkat si Sen. De Lima ay mahigpit na kritiko ni Pangulong Duterte na sa inis kay De Lima ay character assassination na ang pagbanat sa matapang na senadora.

Ayon naman sa isang tambolero ng Pangulo, walang kinalaman si Pangulong Duterte sa pagkakasibak kay Sen. De Lima.

Ayon naman kay Sen. Sherwin Gatchalian, kaya naalis si De Lima ay ayaw ng mga sendor na magamit nito ang komite para sirain ang anti-drug campaign ng administrasyon. Sa pananaw naman ni Sen. Tito Sotto, ang nangyari kay Sen. De Lima ay dapat magsilbing aral na kailangang maging objective ang bawat komite. 

Sa pagdinig naman ng House Committee on Justice, dinurog ng mga testigo ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre si Sen. De Lima. Isinangkot na may kinalaman sa kalakalan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison. Kanta pa ng mga bilanggong testigo ay tumanggap pa ng milyun-milyong piso sa mga drug lord si Sen. De Lima. (Clemen Bautista)