Anim na katao, kabilang ang dalawang bata, ang namatay matapos makulong sa nasusunog na bahay sa Marikina City, nitong Biyernes.

Kinilala ni Fire Chief Edwin Vargas ang mga biktima na sina Gabriela Gatchalian, 81; mga anak niyang sina Justine at Bryan; ang asawa ni Justine na si Allan Alvarado; at anak nilang sina Samantha, 1, at Savanna Alvarado, 4. Pawang mga residente ng Barangay San Roque, Marikina City.

Ayon sa mga imbestigador, posibleng suffocation ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.

Base sa report, nilamon ng apoy ang isang bahay na inuupahan ng pamilya Gatchalian- San Juan at Alvarado sa kahaban ng E. De la Paz, Barangay San Roque sa Marikina City, dakong 2:30 ng madaling araw.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

Nag-short circuit ang isang bintilador na naging sanhi ng pagsiklab ng apoy na nagmula sa ikalawang palapag ng bahay at mabilis na kumalat hanggang sa naapula dakong 3:09 ng madaling araw.

Ayon sa mga pulis, natagpuan ang bangkay ni Savanna sa hagdanan at ito’y sunog na sunog.

Maaari umanong bumangon ang babae sa pagkakatulog ngunit kalat na ang apoy.

Natagpuan naman ang bangkay ng nakatatandang Gatchalian sa unang palapag.

Habang ang bangkay nina Justine at Allan ay natagpuan sa banyo sa ikalawang palapag, habang sina Bryan at Samantha ay natagpuan sa nasabi ring palapag.

Tinatayang aabot sa P50,000 halaga ng ari-arian ang naabo. (MADELYNNE DOMINGUEZ)