HALOS kasunod ng ‘no demolition no relocation’ order ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniutos naman ni Vice President Leni Robredo na itigil ang pagpapalipat sa mga squatter sa mga lugar na wala pang tubig at elektrisidad. Ang naturang magkahawig na tagubilin ay maliwanag na naglalayong paginhawahin at bigyan ng disenteng pamumuhay ang ating mga kababayan na ang ilan ay naninirahan pa sa mga estero sa Metro Manila.

Magugunita na ang nabanggit na utos ng Pangulo ay bunsod marahil ng marahas at kung minsan ay madugong demolisyon ng mga barung-barong ng informal settlers. Bagamat sinasabing ang gayong aksiyon ng mga awtoridad ay alinsunod sa utos ng husgado, masyadong matindi ang pagtutol ng mga squatter, na talagang wala namang tiyak na malilipatan. Hindi ba laging ipinangangalandakan ng bagong administrasyon ang pagmamalasakit sa maralitang sektor ng sambayanan?

Sa kahawig na utos, tandisang inatasan ni VP Robredo ang National Housing Authority (NHA) na iwasan ang pagpapalipat sa mga squatter sa mga relocation site na wala pang water at power services. Ang tagubilin ay ginawa niya sa kanyang kapasidad bilang tagapangulo ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na sumasakop sa NHA.

Naniniwala ako na ang utos ni VP Robredo ay nakaangkla sa matitinding problema sa housing units na ipinatayo ng NHA. Natuklasan niya ang nakadidismayang mga depekto o structural defects ng nasabing mga pabahay—mga reklamo na paminsan-minsan ding nakararating sa pitak na ito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Natuklasan ni VP Robredo ang nasabing mga problema sa kanyang pagbisita sa mga relocation site sa iba’t ibang panig ng kapuluan, tulad ng nasa Calauan, Laguna; kabilang din dito ang housing projects para sa mga police at military personnel sa Bocaue; binisita rin niya ang NHA sites sa Hernani, Samar at natuklasan ang mabagal na konstruksiyon ng 200 pabahay para sa mga pamilyang biktima ng super-typhoon Yolanda. Ang mga ito ang proyekto na naiwang nakapatengga ng nakaraang administrasyon. Mistulang ipinamana ito sa bagong pangasiwaan na kinabibilangan ng Pangalawang Pangulo.

Ngayon dapat patunayan ni VP Robredo, sa pamamagitan ng puspusang suporta ni Presidente Duterte, ang pagpapatupad ng programang magpapaangat sa pamumuhay ng mga maralita, lalo na ng tinatawag niyang nasa laylayan ng lipunan.

(Celo Lagmay)