“It’s more evidence that stress matters,” saad ng lead author na si Jan Kiecolt-Glaser, professor ng psychiatry and psychology sa Ohio State University sa Columbus.
Dagdag pa niya, ang kanilang pag-aaral ang unang magpapakita kung paano tinatanggal ng stress ang benepisyo sa pagkain ng masustansyang fats.
Nagbibigay ng guidelines ang American Heart Association (AHA) para sa mga kinukonsumong taba at itinatala na krusyal sa energy ng katawan at cell growth ang dietary fats. Pinoprotektahan din ng dietary fats ang organs ng katawan at pinapanatiling mainit ang katawan.
Gayunman, may ibang fats na mas mainam kumpara sa iba. Ang saturated at trans fats ang nagpapataas ng bad cholesterol levels sa katawan, samantalang ang monounsaturated fats at polyunsaturated fats ay nagpapababa naman ng bad cholesterol levels. Ito ang mga pinaniniwalaang “good” fats.
Ang taba mula sa isda, mani, at vegetable oils ay mga “good” variety. Para mas madaling maintindihan, inihayag ng AHA na ang bad fats ay nagiging solid sa room temperature (tulad ng butter, halimbawa), samantalang ang good fats ay nagiging likido sa room temperature.
Batid ni Prof Kiecolt-Glaser at mga katrabaho niya na ang diet at stress ay maaaring makapagpabago ng pamamaga ng katawan, na maiuugnay sa sakit sa puso, diabetes, at rheumatoid arthritis.
Gayunman, nais nilang suriin ang kaugnayan ng stress, ng diet, at ng inflammatory markers na maaari nilang masukat sa bloodstream.
Sa kanilang imbestigasyon, nagsagawa ng pag-aaral ang mga researcher sa halos 60 kababaihan, na ang 38 ay breast cancer survivors. Ang average age nila ay 53.
Sa dalawang magkaibang araw na pagbisita ng mga kalahok sa unibersidad, pinakain sila ng isa sa dalawang breakfast: biskuwit at gravy na may itlog at turkey sausage na may saturated fat mula sa palm oil, o kaparehong breakfast na may monounsaturated sunflower oil.
Tinanong ng researcher ang tungkol sa kanilang mga karanasan sa nakaraang araw, gamit ang Daily Inventory of Stressful Events questionnaire para alamin kung nagkaroon ng stress ang mga babae o hindi.
Makaraan ang ilang beses na pagkuha ng blood samples sa kababaihan, sinuri ng grupo ang C-reactive protein at serum amyloid, na dalawang marker ng pamamaga.
Matapos kontrolin ang ilang factors na maaaring makapagpabago ng resulta – tulad ng pre-meal blood levels, age difference, abdominal fat, at pisikal na aktibidad – nadiskubre na ang mga babae na kumain ng saturated fat meal ay may mas mataas na readings sa apat na negatibong markers, kumpara sa mga babae na kumain ng sunflower oil meal.
Gayunman, sa kababaihan na may stressful na araw, nawawala ang pagkakaiba nito, na ang pagkain ng almusal na may “bad fat” ay pareho rin sa pagkain ng may “good fat.”
Pinili ng mga researcher ang meal na ginamit nila sa pag-aaral dahil sumasalamin ito sa tipikal na high-calorie, high-fat, at fast-food meal. Pareho sa dalawang almusal ang may 930 calories at 60 grams of fat, na katulad lang sa Big Mac at medium fries.
Ipinaliwanag ng co-author ng pag-aaral na si Martha Belury na alam nilang, “a less-healthy meal is going to have adverse effects on markers of inflammation, but we wanted to look at this type of meal with different types of fat.”
Sinabi rin niya na ipinapakita ng pag-aaral na naiibsan ang pamamaga bilang pangunahing benepisyo sa pagkain ng masustansiyang pagkain – kabilang ang pagsunod sa Mediterranean diet, na mataas sa oleic acid mula sa olive oil.
Dagdag pa ng mga imbestigador, dahil nagdudulot ng sakit ang pamamaga sa pagdaan ng panahon, kapag stressed, dapat ay mag-ingat pa rin tayo sa kinakain. At ang konklusyon nila:
“These data show how recent stressors and a (major depressive disorder) history can reverberate through metabolic alterations, promoting inflammatory and atherogenic responses.” (Medical News Today)