Isang pulis na maniniktik sana sa isang umano’y tulak ng droga sa loob ng isang sabungan sa San Juan City nitong Miyerkules ng gabi ang ikinulong sa lugar at kalaunan ay napatay matapos barilin ng security guard ng sabungan.

Kasama ni SPO2 Abundio Panes ang isang police asset nang dumating siya sa San Juan City Coliseum pasado 8:00 ng gabi nitong Miyerkules upang magsagawa ng surveillance laban sa umano’y tulak na si Manuel ‘Manoling’ Obar Llangos, na nasa drug watchlist ng Barangay Batis.

Papasok sana sa loob ng sabungan si Panes at ang asset, ngunit nauwi sa habulan ang insidente, at sa huli, sa pagkamatay ng pulis.

Ayon sa isang saksi, ang security guard sa lugar na si Louie Magdag ang bumaril kay Panes habang hinahabol nito si Llangos.

Probinsya

Coast Guard working dog, sinaluduhan sa paghanap sa isa sa mga katawan sa Binaliw landslide

“Magkasamang dumating ‘yung pulis at informant na nakasakay sa iisang motor. Ang problema, nakilala nung subject ‘yung asset… ‘yung asset kasi at pulis magkasama. Eh, namukhaan. Dapat kapag naka-motor, naka-helmet at nakatakip ang mukha. Itong tao natin, nagsu-surveillance pa lang, magko-confirm pa lang. ‘Yung tropa, naka-standby sa station,” sabi ni San Juan City Police Chief Supt. Lito Pajarillaga.

“Ang problema, nakialam itong security guard. Inaalam pa natin ano kaugnayan nung suspek at ni security guard,” dagdag ni Pajarillaga.

Sinabi pa ni Pajarillaga na irerekomenda niyang gawaran ng posthumous award si Panes, na inilarawan niya bilang pinakamasipag sa lahat ng kanyang tauhan, partikular na sa operasyon laban sa droga.

Samantala, tinutugis na ngayon ng pulisya si Magdag na agad na tumakas matapos ang pamamaril, habang ginagamot naman sa ospital si Llangos sa tama ng baril ni Panes.

Bagamat dumating sa sabungan nang walang police partner, nanindigan si Pajarillaga na walang pagkakamali sa proseso ng imbestigasyon ni Panes.

“Wala ako nakikitang pagkukulang despite ‘yung decision-making, iyong thinking. At tsaka nakulong sila, eh, Nasa loob sila. ‘Yung gate ng sabungan isinarado at nagkaroon ng putukan,” paliwanag ni Pajarillaga. (JENNY F. MANONGDO)