Mga Laro Ngayon
(Smart -Araneta Coliseum)
4:15 n.h. – SMB vs NLEX
7 n.g. -- Ginebra vs Alaska
Magamit ang kanilang bentahe kontra sa kanilang mga katunggali at ganap na makausad sa semifinal round ang tatangkain ng defending champion San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa pagsalang sa magkahiwalay na laban ngayon sa PBA Governors Cup quarterfinals.
Magsisimula ang aksiyon ganap na 4:15 ng hapon sa pagitan ng No.2 seed Beermen at No.7 NLEX Road Warriors sa Smart -Araneta Coliseum.
Kasunod nito, magsasagupa naman sa tampok na laro ganap na 7:00 ng gabi ang No.3 Kings at No.6 seed Alaska Aces.
Kapwa tumapos na nasa top 4 makaraan ang single round eliminations, kinakailangan lamang ng Beermen at Kings ng tig-isang panalo para makausad sa semifinal.
Magtatangka ang Beermen na makapagtala ng mas kumbinsidong panalo kumpara sa 94-93 tagumpay nila laban sa Road Warriors noong Hulyo 22 sa elimination round.
Babawi naman ang Kings sa natamong 100-109 overtime na kabiguan sa Aces noong Hulyo 24.
“We’re ready, we just gotta do better at the defensive end,” ayon kay SMB import Elijah Milsap, ang ikatlong import ng Beermen ngayong conference kasunod nina AZ Reid at Michael Singletary.
“It’s all good, we just have to straighten things out for the playoffs and play the way we want to play,” aniya.
(Marivic Awitan)