MAGKASUNOD na araw na ginanap ng House Committee on Justice ang pagdinig kaugnay ng umano ay talamak na bentahan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP). Mga convicted inmate ang iniharap ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II para patunayan ito at ang pagkakasangkot dito ni Sen. Leila De Lima. Sa panahon kasi na kalihim ng DoJ ang huli, at nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa ang mga piitan sa bansa, nangyari ang iniimbestigahang insidente.

Pero maganda ang puntong diniinan ni Cebu City Rep. Rodrigo Abellanosa. “Baka sa pagnanais ng DoJ na tulungan si Pangulong Digong sa kanyang pakikidigma sa ilegal na droga,” wika ng kongresista, “eh tinutulungan din niya ito sa kanyang pakikidigma laban kay De Lima.” Lahat daw ng mga affidavit na isinumite ng DoJ sa committee sa panahon ng imbestigasyon ay nagdadawit sa senador. Hindi raw gaanong nabibigyan ng pansin kung paano nangyayari ang bentahan sa piitan dahil nasesentro ang mga testimonya kay De Lima.

Kasi naman, sa affidavit daw ni Rodolfo Magleo, sinabi niya na ang maximum security compound ng NBP ay naging “drug center of the Philippines.” Ang operasyon nito, aniya, ay sa Luzon, Visayas at Mindanao at pinamamahalaan ng mga sentensiyado nang lokal at banyagang drug lord.

Sa halip na maging detalyado siya sa puntong ito, bigla siyang tumalon sa kung paano niya nakatagpo si De Lima at ang driver nito. “Kung si De Lima ang dahilan ng lahat ng ito,” sabi ng congressman,” wala na ba ito, ngayon na hindi na siya justice secretary?”

Sa dalawang araw na pagdinig, ang lumabas sa testimonya ng mga nakapagsalita na ay ang bentahan at kung sino ang nakatatanggap ng drug money. Pahagip-hangin lang ang alegasyon na tumanggap si Sen. De Lima nito, na taliwas sa naunang sinabi ni Sec. Aguirre sa kanyang press conference na may tetestigo na personal umanong inabutan nito.

Ang balita noon ay sa loob ng NBP ginagawa ang shabu, pero sa mga testigo ay walang nagsabi kung ito ay nangyari nga at sino ang gumagawa nito. Hindi rin maliwanag, kung bakit nagkaroon ng shabu sa NBP na naibebenta? Paano, sino at bakit nakapapasok ang shabu para maibenta?

Ang nangyaring bentahan ay laman ng testimonya ng high-profile inmates na binigyan ni Speaker Alvarez ng immunity upang ligtas sila sa batas sa anumang kanilang sasabihin. Ang iba rito ay nasentensiyahan na sa salang robbery, kidnapping with ransom at murder. Kahit sinasabi ni Justice Secretary Aguirre at abogado ng mga ito, na hindi sila tinuruan, pinilit, o pinangakuan ng kapalit para sa pagtestigo, napakababa ng kanilang kredibilidad. Parang ibon ang mga ito na nasa hawla na ang kanilang kapalaran, mabuhay at lumaya, ay nasa may kontrol sa kanila. (Ric Valmonte)