Nasimulan na ang pagbabago sa Philippine Sports Commission (PSC).
Ngunit, para kay dating PSC Chairman Aparicio Mequi, napapanahon na rin na ireporma ang pagsasagawa ng taunang Palarong Pambansa.
Inihayag ni Mequi, ikalawang naupo na PSC Chairman mula nang itatag ang ahensiya noong 1991, ang panawagan sa kanyang ‘privilage speech’ sa ginanap na National Consultative Meeting On Development Plan for Philippine Sports and Set-up of Philippine Sports Institute kahapon sa Multi-Purpose Arena sa PhilSports sa Pasig City.
“What has been produced in the 58th years of staging Palarong Pambansa?,” patanong ni Mequi. “Does the organizer realize they need to re-assess and reinvent the tournament? We need to reform Palarong Pambansa,” panawagan ni Mequi.
Ikinatuwa ni Mequi ang kasalukuyang reporma na ginagawa ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa ahensiya, higit ang pagpapalakas sa grassroots sports development program.
Gayunman, kinastigo ni Mequi ang kawalan ng kongretong aksiyon ng mga National Sports Associations (NSAs) sa paghahanap ng mahuhusay na mga atleta sa mga lalawigan.
Iginiit niyang, nalubog sa pulitika ang NSA, higit ang Philippine Olympic Committee (POC).
Mula noong 2004, pinamumunuan ang POC ni dating Tarlac Congressman Jose ‘Peping’ Cojuangco.
Maliban sa 2005 Southeast Asian Games na ginanap sa bansa kung saan nakamit ang kauna-unahang overall championship na nakopong 291 medalya, tampok ang 113 ginto, sadsad ang Pinoy sa international competition at naungusan na nang Singapore sa huling edisyon ng SEAG.
Sa kabila nito, nagpahayag si Cojuangco ng interest na muling tumakbo para sa ikaapat na termino sa Olympic body.
Nakatakda ang eleksiyon sa POC sa huling linggo ng Nobyembre, ngunit sa kasalukuyan wala pang nagpapahayag ng direktang pagnanais na sumagupa laban kay Cojuangco.
“From 49 regular voting member, wala na bang matinong lider na puwedeng lumaban kay Cojuangco para masimulan naman ang reporma sa POC?” pahayag ng isang multi-titled athlete na hiniling na huwag bangitin ang pangalan.
May ilang pagkilos na sinisimulan ang kampo ni dating POC president Celso Dayrit, ngunit wala pa umanong kongretong hakbang na naihahanda para itulak ang pagbabago sa Olympic body. (angie oredo)