IPINAGDIRIWANG ng Simbahang Katoliko ang kapistahan ni St. Pio of Pietrelcina tuwing Setyembre 23. Kilala sa tawag na Padre Pio, siya ay isang Italian mystic na monghe noong ikadalawampung siglo na sa loob ng 50 taon, mula 1918 hanggang 1968, ay sinasabing may mga stigmata—mga sugat ni Hesukristo—sa kanyang kamay, paa, at tagiliran, kaya naman kinilala siya bilang unang pari na may stigmata sa kasaysayan ng Simbahan.

Ginawang santo si Padre Pio ni Saint John Paul II noong Hunyo 16, 2002, sa Roma, kung saan ipinalaganap niya ang katuruan ng pagdarasal at pagkakawanggawa. Kinilala siya sa nagawa niyang dalawang milagro: Bago ang kanyang beatification—isang hakbang bago maging santo—pinaniniwalaan na nakapagpagaling siya ng isang babaeng Italian na may sakit sa baga. Ang pangalawang milagro naman ay ang pagpapagaling sa isang 11-anyos na batang Italian na may meningitis, na ang ina ay nagdasal kay Padre Pio habang comatose ang paslit.

Lumawak na ang debosyon kay Padre Pio sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas. Maraming milagro at kasagutan sa panalangin ang maiuugnay sa kanya. Ang monasteryo sa bandang tuktok na bayan ng San Giovanni Rotondo sa Italy, kung saan siya nakatira, ay nagtayo ng medical at religious center. Milyun-milyong manlalakbay ang nagtutungo sa kanyang pinaghimlayan sa Church of Our Lady of Grace, ikalawa sa dambana ng Our Lady of Guadalupe sa Mexico sa dinaragsa ng maraming bisita kada taon.

Itinatag ng Filipino spiritual leaders ang Philippine Center for St. Pio of Pietrelcina para itaguyod ang debosyon sa santo, magsagawa ng mga kawanggawa, at matulungan ang dumadaming mananampalataya. Naitayo ang kapilya sa Libis, Quezon City, kung saan naka-display ang relics ng santo. Sa shrine sa Sto. Tomas, Batangas, makikita ang imahen nito na bubungad sa mga deboto at manlalakbay. May malaki ring imahen ng santo sa Festival Mall sa Alabang, kung saan maaaring makapagdasal at magnilay-nilay.

Ipinanganak noong Mayo 25, 1887, bilang Francesco sa isang mahirap na pamilya at ipinangalan kay St. Francis of Assisi, nahimok siya sa pagkapari simula pa sa pagkabata. Naging Capuchin siya sa edad na 16, nakatanggap ng abito noong 1902, at naitalaga sa pagkapari noong 1910 bilang Padre Pio. Inialay niya ang kanyang buhay sa pagbabahagi ng mga espirituwal niyang kakayahan, tulad ng pagpapagaling, paglalahad ng propesiya, at pagpapayo sa mga tao. Deboto sa pananalangin, sasabihin niya: “In books we seek God, in prayer we find Him. Prayer is the key which opens God’s heart.”

Noong Setyembre 20, 1918, nagdarasal siya sa harap ng isang malaking krus nang natanggap niya ang stigmata. Nawala ang mga sugat nang pumanaw siya noong Setyembre 23, 1968. Nananatiling hindi naaagnas ang katawan niya ilang taon matapos siyang pumanaw. Siya ay santong patron ng mga civil defense volunteer.