Ang panlalaban sa mga pulis na nagtangkang umaresto sa kanya sa isang buy-bust operation ang naging dahilan ng kamatayan ng isang lalaki na hinihinalang tulak ng droga sa Tondo, Manila kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang suspek na nakilala lang sa alyas na Ian Montenegro.
Batay sa pagsisiyasat ni SPO1 Reynaldo Ferrer, ng Manila Police District (MPD)-Station 2, nabatid na dakong 1:20 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng MPD-Station 2 Station Anti-Illegal Drugs (SAID) Focus Team 2, sa Pier 2, sa Parola Compound, sa pangunguna ni Senior Insp. Edison Quano.
Umaktong poseur buyer si PO1 Lourbert Armentado, na nakipagtransaksyon sa suspek, ngunit nakahalata umano ang huli na pulis ang kanyang kliyente at bumunot siya ng. 38 caliber revolver at tinangkang barilin si Armentado.
Gumanti naman ng putok ang pulis na nagresulta sa agarang kamatayan ng suspek, na nasapol ng bala sa dibdib.
Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang .38 caliber revolver nito at dalawang maliliit na heat-sealed transparent plastic sachet ng shabu. (Mary Ann Santiago)