NAKASUSUKLAM at nakahihiya ang mga testimonya ng mga testigo sa ginagawang imbestigasyon ng Kamara at Senado kaugnay ng droga. Ipinakikita nito ang lawak ng katiwalian sa ating burukrasya, lalo na sa National Penitentiary sa ilalim ng Department of Justice. Hayagang ibinibilad nito sa kahihiyan ang Pilipinas sa buong daigdig.
Gayunman, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Noong1920s, huwaran sa kurapsyon ang United States sa buong daigdig, ngunit sa pamamagitan ng mabisang pamamahala, naiwaksi nila ang problema, lumago ang ekonomiya at naging pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig ito.
Tiyak na mangyayari ang mahahalagang reporma at pagbabago kasunod ng ating kasalukuyang pandaigdigang kahihiyan, at magpapasalamat ang mga Pilipino kay Pangulong Rodrigo Duterte, na ang bruskong paraan ang pinagmulan ng kasalukuyang mga kontrobersiya sa ating bansa.
-oOo-
Nakatutuwa na kinikilala ni Pangulong Duterte ang talento at merito ng ilang kasamahan namin sa media na itinalaga niya sa mga responsableng posisyon sa kanyang administrasyon. Kabilang sa mga ito sina Agriculture Secretary Manny Piñol; Presidential Adviser on Peace Process Jess Dureza; Teddy Locsin bilang Philippine Ambassador sa UN; at siyempre si Press Secretary Martin Andanar.
-oOo-
Pinarangalan ng Kamara de Representantes noong Lunes si Bb. Janelle Mae Frayna ng Albay, ang kauna unahang Pilipinang naging chess grandmaster, matapos niyang masungkit ang titulo sa katatapos na 42nd Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Sa ilalim ng House Resolution No. 12, na pinagtibay batay sa resolusyong inihain ni Albay Rep. Joey Salceda, inihandog ni Speaker Pantaleon Alvarez kay Frayna ang isang espesyal na plake sa podium ng Kongreso sa harap ng lahat ng Bikolanong mambabatas at ng kanyang pamilya.
Si Frayna, 20, estudyante ng Far Eastern University, ay mula sa distrito ni Salceda. Naibuslo niya ang titulo sa murang edad. Si Eugene Torre, ang kauna-unahang Pinoy Grandmaster, ay nasungkit ang kanyang titulo sa edad na 22 sa Nice, France noong 1974. Ang makasaysayang tagumpay ni Frayna, ayon kay Salceda, ay isang “source of pride and inspiration for all Filipinos and a testament to the world of our admirable spirit of competitiveness and excellence.”
-oOo-
Ang ipinahayag na postponement ng barangay elections sa Oktubre 31 ay kapwa mabuti at masamang balita. Magandang balita ito para sa mga inutil na opisyal ng barangay na hindi man lamang kayang disiplinahin ang pasaway nilang mga tricycle driver sa pagpaparada ng kanilang mga tricycle sa gitna ng kalsada. Masamang balita naman ito para sa mamamayan nilang nagdurusa sa kanilang pagiging inutil. (Johnny Dayang)