SA nakalipas ay maraming beses na tayong nakakita ng mga litrato ng mga nag-iiyakang ina na karay-karay o karga ang kanilang mga anak habang buong kapighatiang pinagmamasdan ang paggiba sa kanilang mga barung-barong. May makikita ring mga litrato ng kabataang lalaki at mga binatilyo na naaktuhang lumalaban sa pagpupukol ng malalaking bato, minsan naman ay nanununtok o nanunulak, sa mga demolition team na inutusang baklasin ang lahat ng istrukturang sagabal sa lugar ng proyekto ng gobyerno o ng isang pribadong lote.
Naghayag ng polisiya ang bagong administrasyong Duterte, na lubos namang sinuportahan ni Vice President Leni Robredo bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), sinabing dapat na tuldukan na ang mararahasa na kumprontasyon sa mga demolisyon.
Nasa sentro ng programa ng gobyerno sa pabahay ang isang bagong polisiya: Walang isasagawang demolisyon hanggang walang nailalatag na programa sa relokasyon. At ang lugar na lilipatan ay dapat na may “safe and sustainable housing” at malapit sa mga eskuwelahan at lugar ng hanapbuhay.
Mahalaga ang mga paaralan para sa mga bata sa komunidad. Kung saan man ilipat ang mga maaapektuhang pamilya, dapat na mayroon doong eskuwelahan upang maipagpatuloy ng mga bata ang kanilang pag-aaral. Sa kabuhayan, isa itong napakahalagang bagay, para sa kapakanan ng pamilya. Maraming beses na sa nakalipas na naililipat ang mga pamilya sa malalayong lugar sa mga lalawigan, kaya naman kinakailangan pang bumiyahe nang malayo ng mga kumakayod para sa pamilya, at malaki rin ang gastusin sa pasahe. Kung hindi makatitiis sa bagong pamumuhay, napipilitan ang pamilya na bumalik sa dating tirahan upang mapalapit sa lugar ng trabaho, gaano man katindi ang panganib na nakaamba. Ang mga tirahan sa bagong komunidad ay dapat na may malinis at sapat na tubig at supply ng kuryente.
Ang pagpapaalis o demolisyon ay dapat na tuluyan nang tigilan, alinsunod sa RA 7278, ang Urban Development and Housing Act of 1992. Maaari itong pahintulutan sa ilang partikular na kondisyon, gaya ng kung ang lugar ay kinakailangang bakantehin dahil sa isang nakaambang panganib, gaya sa mga estero, dalampasigan, malapit sa ilog, riles ng tren o tambakan ng basura. Sakali namang para sa isang proyektong imprastruktura ng gobyerno, dapat na may court order para sa relokasyon.
Sa mga kondisyong nabanggit, dapat na wala na tayong mararahas, minsan ay madugong kumprontasyon gaya ng dati.
Mahalaga ang papel ng lokal na pamahalaan, dahil nagkakaloob sila ng mga relocation site. Ang ilegal na pag-okupa ng mga walang matirahan sa mga lote ng gobyerno at mga pribadong lote ay isang malaking problema para sa maraming bayan at lungsod sa bansa. Darating ang panahon na mareresolba rin ang problema ngunit dapat na gawin ito nang ikinokonsidera ang lahat ng aspeto para sa mga pamilyang maaapektuhan.