SINO ang mag-aakala na pagkalipas ng 17 taon ay babalikan ni Ms. Charo Santos-Concio ang hilig niya sa pag-arte, pagkatapos niyang manilbihan bilang presidente at chief executive officer ng ABS-CBN?

Naging boss si Ma’am Charo sa Kapamilya Network sa loob ng 28 years at inakala ng marami na magpapahinga siya o magiging plain lola sa dalawang apo na gusto na ring mag-showbiz.

Pero sabi nga, once an actress is always an actress at sino ba naman ang makalilimot sa mga markadong pelikulang ginawa ni Ma’am Charo tulad ng Kisapmata, Kakabakaba Ka Ba, Kapag Langit ang Humatol at iba pa na hinangaan siya nang husto sa mahusay niyang pagganap. Multi-awarded actress na siya bago pumasok sa corporate world.

Ang nakakatuwa, sa pagbabalik-acting ni Ma’am Charo ay naka-bull’s eye kaagad siya sa pelikulang Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left) na idinirek ng kinikilalang “rock star” sa indie world na si Lav Diaz na nakipag-co-produce sa Cinema One Originals para sa sariling movie outfit nitong Cine Olivia, distributed ng Star Cinema at mapapanood na simula Setyembre 28.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Hindi nanalong best actress si Ma’am Charo dahil sa sinasabing teknikalidad dahil nakuha nga ng Ang Babaeng Humayo ang Golden Lion o Best Film, ang pinakamataas na award sa katatapos na 73rd Venice Film Festival.

“That (Best Actress award) has never been foremost in my mind,” punto ni Ma’am Charo. “I mean, pagkasimula ko ng pag-aartista, hindi naman ako gumagawa ng pelikula para manalo. Gumagawa ka ng pelikula because of your passion for the craft, dahil gusto ko.

‘’Yung pagkakapanalo, parang bonus na ‘yun, eh. Like nag-usap kami ni Direk Lav no’ng March, gumawa kami ng pelikula no’ng Mayo, hindi naman namin inisip na mapipili siya sa Venice Film Festival at lalong hindi namin inisip na mabibigyan siya ng Best Film, Golden Lion award.

“So, that has never been my motivation. If it’s there, it’s an affirmation of the hard work that you’ve done. Pero hindi dapat ‘yun ang tinitingnan.”

Si John Lloyd Cruz ang isa sa co-stars ni Ma’am Charo sa pelikula pero hindi ito masyadong nabalita hanggang sa makitang magkasama silang lumakad sa red carpet ng 73rd Venice filmfest.

“That was really part of the plan,” paliwanag ng nagbabalik na aktres. “Pinakiusapan talaga kami ni Direk Lav not to talk about John Lloyd’s role in the movie kasi we didn’t want to preempt nga the premier screening of the film. Kasi naiiba talaga ‘yung ginampanan niya. Now the cat is out of the bag, he’s really great in this movie.”

At ibinuko ni Ma’am Charo nag-iiba pala ang ugali ni Lloydie kapag nasa trabaho.

“Naku, talagang ano si John Lloyd, seryosong-seryoso sa craft niya. Hindi mo makausap kahit na lunch break. He’s in character. The moment that he’s done for his make-up, in character na siya. Hindi mo na siya makakausap bilang John Lloyd.

“He was in character all the way up to the last shooting day. Basta naka-make-up na siya, in character na siya.

‘Tapos magbabalik lang siya sa pagiging John Lloyd kapag nakaligo na siya, nagpalit na siya into regular clothes.

Doon mo lang siya makakausap na John Lloyd,” kuwento pa ni Ma’am Charo.

Sinang-ayunan siya nina Cacai at Mae, hindi nga raw nila mabiro ang aktor at, “Ako nga lang yata ang nakabiro,” hirit ni Ma’am Charo.

Ano ang next project niya? Wala ba siyang planong gumawa ng commercial o mainstream movie?

“I guess, yes, if the materials is good at saka maganda naman ‘yung character why not. Love ko rin ‘yan, malay mo may kilig movie (tawanan ang lahat ng nakikinig sa kanya sa Dolphy Theater). Malay mo sa edad kong ito…” nagbibirong sagot ni Ma’am Charo.

Mahirap ba siyang alukin ng project? Kailangan ba laging kasing husay nina Lav Diaz at Mike de Leon ang direktor?

“Hindi, ang tinitingnan ko talaga ‘yung material. Sabi ko nga, open ako sa isang kilig, ha-ha-ha. Sana mapansin na ako ng Star Cinema, siguro naman papansinin na nila ako ngayon,” tumatawang sabi niya.

Sino ang gusto niyang makatambal?

“Naku, alam n’yo na ang sagot ko d’yan, eh. Si Piolo (Pascual). Marami naman sila, pero (nagpa-cute at kinilig), sabi ko sa ‘yo, eh, sa edad kong ito, puwede pa magpakilig,” natawa uling sagot ng aktres.

Natanong din si Ma’am Charo sa view niya sa hindi pagkakapili sa pelikula niya para ilaban sa Oscars for the Best Foreign Language Film category.

“Siyempre, it would have been great if our film was chosen, pero iba-iba ang panlasa ng tao, eh. Iba-iba ang panlasa natin and you accept that. Kung hindi napapanahon, di hindi.

“May pagka-philosophical kasi ang pagtingin ko sa buhay, eh. Kung hindi nauukol, eh, di hindi naman. You just go with the flow and move on and we just be all happy for Ma’ Rosa,” katwiran niya.

Mapapanood ang Ang Babaeng Humayo simula sa Setyembre 28, kasama rin sina Nonie Buenccamino, Sharmaine Buencamino, Marj Lorico, Mayen Estanero, Romelyn Sale, Julius Empredo, Jean Judith Javier, Prescy Orencio, Jo-Ann Requiestas, Kyla Domingo, at Michael de Mesa. (REGGEE BONOAN)