Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga pulis na pinaresponde ng kapatid niyang babae upang mahinto ang pananakit niya sa sariling ina sa Valenzuela City, nitong Miyerkules ng gabi.
Dead on arrival sa Valenzuela City Medical Center si Matt Vicente, 39, residente ng Barangay Gen. T. De Leon at nasa drug watchlist ng lungsod, dahil sa mga tama ng bala ng .45 caliber sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Base sa report, dakong 9:00 ng gabi at nagwawala ang hinihinalang bangag na si Vicente sa loob ng kanilang bahay habang hawak ang patalim at sumpak at sinasaktan ang sariling ina.
Hindi siya maawat ng mga kaanak at mga kapitbahay kaya humingi na ng tulong sa Police Community Precinct (PCP) 2 ang kapatid niyang si Marilou.
Pinakiusapan si Matt na sumuko na pero sinugod nito ng saksak ang mga awtoridad kaya pinagbabaril siya ng mga pulis.
Narekober sa suspek ang patalim, sumpak at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu. (Orly L. Barcala)