WALA sina John Lloyd Cruz at Direk Lav Diaz sa presscon ng Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left), sina Ms. Charo Santos, Mae Paner at Cacai Bautista lang ang present sa cast kasama ang kanilang producers na sina Hazel Orencio at Ronald Arguelles.
Dumalo raw si John Lloyd sa ibang international film festival, hindi naman nabanggit kung bakit wala si Direk Lav.
Pero sa isang naunang interview, nabanggit ni Direk Lav na didiretso siya sa Boston dahil naimbitahang maging fellow sa Radcliffe Fellowship ng Harvard University. Tila eight months doon si Direk Lav.
Kaya wala si Direk Lav sa showing ng Ang Babaeng Humayo sa September 28, pero malay natin at bigla siyang bumalik ng bansa para narito siya sa opening ng pelikula. Sa September 27, ang premiere night nito bago ang regular showing sa 40 theaters.
Pinatawa nang pinatawa ni Cacai ang press people sa kanyang mga kuwento simula nang malaman niyang si Ms. Charo ang kanyang kasama at kaeksena pa hanggang sa buong pagsasama nila sa shooting. Na-starstruck siya simula nang una niya itong makita sa location nila sa Mindoro.
“Natulala ako nang malaman kong si Ms. Charo ang kasama ko. Araw-araw akong na-starstruck sa kanya. Ayaw niyang magpayong, napaka-soft spoken at parang laging may binabasang sulat. May isang eksena siya na mahaba ang monologue niya, ang galing-galing niya sa eksenang ‘yun,” sabi ni Kakai.
Napakabait daw ni Charo at belo na lang ang kulang para maging Mama Mary.
Kasama dapat si Cacai sa Venice, pero hindi kinaya ng kanyang schedule. Gayunpaman, napakasaya pa rin niya na finally, nakasama siya sa pelikula ni Direk Lav Diaz na umaani ng mga papuri sa international filmfests.
(NITZ MIRALLES)