Umabot sa 25 katao ang nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa “one time, big time” operation nito sa Sampaloc, Maynila, nabatid kahapon.
Batay sa ulat ni Supt. Aquino Olivar, hepe ng MPD-Station 4 (Sampaloc), kay MPD Director Senior Supt. Joel Coronel, nabatid na isinagawa ang operasyon mula Setyembre 20-21, 2016 sa ilang lugar sa Sampaloc.
Unang naaresto ang walong katao, na edad 20-53, at sumunod na nadakip ang 17 iba pa na nasa 19-55 taong gulang.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kasong paglabag sa Section 5555 o drinking in public place ng Revised City Ordinance ng Maynila, paghuhubad-baro sa mga pampublikong lugar (RO 819), at Presidential Decree 1602 o illegal gambling laban sa mga naaresto.
Ikinasa ang operasyon alinsunod sa kampanya ng awtoridad laban sa kriminalidad sa Maynila. (Mary Ann Santiago)