Hindi na nasikatan pa ng araw ang dalawang lalaking sangkot umano sa ilegal na droga matapos silang paslangin ng apat na naka-bonnet habang masayang nag-iinuman sa loob ng isang nightclub sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot sina Jeffrey dela Cruz, nasa hustong gulang, umano’y kilabot na drug pusher; at Ruding Tahir y Sabine, nasa hustong gulang, sinasabing tulak at gun-for-hire, kapwa ng Barangay Baclaran sa nasabing lungsod, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad tumakas ang apat na armadong suspek na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo na walang plaka.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief, Senior Supt. Jose Carumba,dakong 2:30 ng umaga nang nangyari ang insidente sa loob ng Joyukis Club sa Airport Road sa Bgy. Baclaran.
Masayang nag-iinuman sina Dela Cruz at Tahir sa nightclub nang lapitan sila ng mga suspek, kaya nagtatakbo si Dela Cruz sa banyo pero sinundan siya ng dalawa sa mga salarin at pinagbabaril.
Nakalabas naman ng establisimyento si Tahir pero ilang beses pa siyang pinaputukan ng mga suspek.
Narekober sa pinangyarihan ang ilang basyo ng bala ng .45 caliber pistol at .9mm pistol, samantalang nakuha sa bulsa ng mga biktima ang ilang pakete ng hinihinalang shabu.
Ayon kay Carumba, ang mga biktima ay kabilang sa drug personalities ng Baclaran, at dinala na sa People’s Funeral Parlor sa Evacom, Las Piñas City ang labi ng mga ito. (Bella Gamotea)