LINGAYEN, Pangasinan – Agad na nasawi ang isang babaeng guro habang sugatan naman ang isang mag-ama na kapitbahay niya matapos siyang pagbabarilin sa Jacoba Street, Barangay Poblacion sa bayang ito.

Kinilala ni Supt. Jackson Seguin, hepe ng Lingayen Police, ang namatay na si Rowena Tigno, 38, public school teacher; habang sugatan naman sina Mike Vergara, 57, tricycle driver; at Michaela Vergara, 12, pawang taga-Jacoba Street.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 8:20 ng gabi nitong Martes nang biglang may pumasok sa bahay ni Tigno at pinagbabaril siya, na ikinabulabog ng mga kapitbahay kaya naman nang lumabas para mag-usisa ang mag-ama ay binaril din sila ng hindi kilalang suspek.

Batay sa pag-uusisa ng Balita, posibleng may kinalaman ang krimen sa pagkakaroon ng utang ng guro, na minsan na umanong nagsabi sa naniningil sa kanya: “Kahit patayin mo pa ako, wala akong ibabayad sa ‘yo.” (Liezle Basa Iñigo)

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar