LOS ANGELES – Marami ang nagsasabing lipas na ang kinang ni Edgar Sosa ng Mexico.
Ngunit, para kay US-based boxing trainer Nonito Donaire, Sr., isa itong patibong na kailangang iwasan ni Pinoy two-division world champion Donnie ‘Ahas’ Nietes.
Ayon kay Donaire, taglay pa rin ng 37-anyos na si Sosa ang lakas na nagpanalo sa kanya laban kay Fil-Am Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria may siyam na taon na ang nakalilipas kung saan naagaw niya ang World Boxing Council (WBC) light flyweight title.
Tangan ni Sosa ang kartang 52-9, tampok ang 30 knockout at target niyang dagdagan ito sa kanyang pakikipagtuos sa pamosong Pinoy champion sa kanilang 112 lbs. duel.
“Lahat ng boxer na lalaban sa ganitong level, hindi ka puwede pa-easy easy kahit na natalo siya sa mga latest fights niya,” pahayag ni Donaire.
“Palagay ko good choice itong si Sosa para kay Nietes kasi kahit na sinasabing palubog na, andun pa din yung experience niya.”
Sa kasalukuyan, isa si Sosa sa matikas na contender sa flyweight division na kasalukuyang pinaghaharian ni pound-for-pound king Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez ng Mexico.
Sa kabila ng magkasunod na kabiguan kontra WBC ruler Akira Yaegashi ng Japan noong Disyembre 2013 sa Tokyo at kay Gonzalez noong Mayo 2015 sa Inglewood, isang banta si Sosa kay Nietes.
Tangan ni Sosa ang korona sa 108lb may dalawang taon na ang nakalilipas bago siya napatigil ni Pinoy Rodel Mayol sa Chiapas, Mexico.
“Sa napanood namin na mga laban andun pa din yung galling niya. Alam ni Donnie na malaking challenge ito kaya pursigido siya sa ensayo,” pahayag ni ALA chief trainer Edito Villamor.
Hawak ng 34-anyos na si Nietes ang 38-1-4 karta, tampok ang 22 KO’s.
Magtutuos sila ni Sosa para sa bakanteng WBO intercontinental flyweight crown sa Sabado (Linggo sa Manila) sa StubHub Center sa Carson. (Dennis Principe)