Iginiit ni Senator Bam Aquino na dapat ilahad ang tunay na pangyayari sa ilalim ng batas militar, sa pamamagitan ng pagbabago sa mga aklat na nagsasabing ‘golden years’ ang bahagi ng panahon ng diktaturya.

Aniya, sampal sa mukha ng libu-libong biktima ng martial law ang sinasabing ‘golden years’.

“Hindi lang siya nakakalimutan, binabago na ang ating kasaysayan. Iyon iyong mas nakakabahala, na tila sinasabi na sa panahon ng martial law, walang namatay, walang kinulong, walang tinorture. It’s a disservice and a slap in the face for those victims na parang kinakalimutan natin ang masamang nangyari noong panahon na iyon,” ani Aquino.

Batay sa record, 3,257 ang pinatay, 35,000 ang pinahirapan at 70,000 ang nakulong noong panahon ng martial law mula 1972 hanggang 1981.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

Sa Senado, ipinabatid naman ng Department of Education (DepEd), sa pamamagitan ni Sec. Leonor Briones, na magpapasok ng bagong curriculum at libro sa mga susunod na buwan upang makapagbigay ng tamang detalye ukol sa madilim na bahagi ng martial law.

“We’re happy that DepEd is undergoing the change in curriculum at sabi nga nila, ipapakita nila ang mas kumpletong larawan ng martial law. Palagay ko kasi, ang lumang textbook natin, ayaw ipakita iyong mga masamang nangyari sa ating bansa, “ayon kay Briones.

Sa gagawing mga bagong aklat, ipakikita umano ang kasamaan ng martial law, kabilang dito ang korapsyon at pag-abuso sa karapatang pantao. (Leonel M. Abasola)