Anim na katao ang nasugatan makaraang sumabog ang isang granada na inihagis sa mga naglalamay sa Tubay, Agusan del Norte, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon ng Tubay Municipal Police, inihahanda na ang mga kasong isasampa laban kay Ruel Bahan, ng Barangay Doña Rosario, Tubay.

Kinilala ni PO2 Jomar Ascares, ang lima sa mga nasugatan na sina Brian Bagaipo, Eugene Pilo, Junrey Batas, 25; Johnny Pabia, 13; at Zelia Mitch Bahan, 13 anyos.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang insidente dakong 1:00 ng umaga.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi sa report na lasing ang suspek nang magsadya sa lamay ng isang kapitbahay sa Bgy. Doña Rosario, hanggang magalit ito dahil bigla umanong nawala ang pera sa kanyang bulsa, at pinagbintangan niya si Bagaipo.

Umuwi si Bahan at agad na bumalik bitbit ang isang .45 caliber pistol at isang granada.

Tinangkang pigilan ang suspek ng kapatid niyang si Richard Bahan at sa pagpapambuno ng dalawa ay nahulog ang granada, na mabilis na pinulot ng suspek at inihagis sa mga biktima.

Sumuko naman ang suspek sa pulisya at kakasuhan ng illegal possession of firearms and explosives at serious physical injuries. (Fer Taboy)