HINDI kailanman maaaring maliitin ang mga pakinabang na natatamo sa mga jobs fair na isinusulong ng iba’t ibang pribadong kumpanya at maging ng mga ahensiya ng pamahalaan. Sa mga jobs fair na inilunsad ng Manila Bulletin, kapatid ng pahayagang ito, halimbawa, hindi iilan ang nagkapalad na nagkatrabaho; sa mga feedback na naiulat, ang naturang masuwerteng mga aplikante ay kuntento na ngayon sa kanilang paghahanap-buhay para sa kaginhawahan ng kani-kanilang mga pamilya.

Dapat lamang ipagpatuloy ang gayong makabayang misyon hindi lamang ng Manila Bulletin kundi maging ng iba pang makabayan ding organisasyon. Malaki ang maitutulong ng mga jobs fair sa paglutas ng suliranin sa kakulangan at kawalan ng trabaho o unemployment problem na matagal nang gumigiyagis sa bansa. Ang sama-samang pagsisikap hinggil dito ay makapagpapatighaw din, wika nga, sa paghihirap ng sambayanan.

Sa pagkakataong ito, ang pahayagang ito – katuwang ang Tempo na kapatid din nito – ay magiging kabalikat ng himpilang Super Radyo DZBB sa paglulunsad ng ‘DZBB Trabaho Negosyo Fair’. Kalahok dito ang mahigit 80 iba pang pribadong grupo at ahensiya ng gobyerno na ang makabuluhang hangarin ay nakatuon din sa paglikha ng mga trabaho para sa tinatawag na ‘jobless sectors’.

Marahil ay sinadya ng mga nagtataguyod ang naturang jobs fair na maging madali sa ating mga kababayan ang makipagsapalaran upang magkatrabaho lamang. Pinakamahalagang dokumento na dapat taglayin ng mga aplikante ang kanilang mga bio-data o resume upang matiyak ang angkop na trabaho para sa kanila. Siyempre, marapat na laging matatag ang kanilang determinasyon na magampanan ang anumang gawain na iaatang sa kanilang mga balikat.

Kaakibat ng naturang proyekto ang pagsusulong ng seminar tungkol sa pagnenegosyo na pangangasiwaan naman ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP). Ang naturang seminar ang magiging hudyat ng pagsisimula ng mga aplikante ng maliit na negosyo na sisikapin nilang mapalago.

Sa bahaging ito, marapat ding kumilos ang Duterte administration sa pagsusulong naman ng mga programa na hindi lamang makapagbibigay ng trabaho sa sambayanan kundi makalilikha pa ng ikabubuhay o livelihood. Sa pamamagitan ng naglalakihang pondo ng mga kagawaran ng pamahalaan, tulad ng bilyun-bilyong pisong budyet ng conditional cash transfer (CCT), dapat lumikha ng job generating at livelihood projects upang maibsan ang pinapasang hirap ng taumbayan.

Ang mabilis na implementasyon ng mga ito ay sapat nang katumbas ng mga pagsisikap ng pribadong sektor upang malunasan ang patuloy na tumitinding poverty problem. (Celo Lagmay)