NAGTAPOS na nitong Sabado ng gabi ang pagdurusa ng Norwegian na si Khartan Sekkingstad, na dinukot kasama ng dalawang Canadian at isang Pilipina mula sa Samal island resort sa Davao Gulf noong Setyembre 2015. Kasama ang tatlong Indonesian, pinalaya siya ng Abu Sayyaf sa Sulu, at isinuko kay Nur Misuari ng Moro National Liberation Front (MNLF) na inilipat naman ang kanyang kostudiya kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza.
Sa apat na dinukot sa Samal, pinugutan ang mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall noong Abril at Hunyo 2016, ng Abu Sayyaf na humiling ng ransom para sa pagpapalaya sa kanila. Ang Pinay na si Marites Flor, mula sa Bukidnon, ay pinalaya ilang araw makaraang pugutan si Hall, dahil sa pagtutulung-tulong nina noon ay President-elect Duterte, dating Sulu Gov. Abdusakur Tan, at Secretary Dureza. Si Sekkingstad, ang huli sa apat na dinukot sa Samal, ay tuluyan nang pinalaya nitong weekend kasama ang mga Indonesian na sina Lorens Koten, Teo Doros Kofung, at Emmanuel Arakian.
Parehong iginiit ng mga gobyerno ng Pilipinas at Norway na hindi sila nagbayad ng ransom money, ngunit sinabi ng Malacañang na hindi nito batid kung nagbayad ba ng ransom ang pamilya ng mga biktima. Ayon sa intelligence sources ng pulisya, kumubra ang Abu Sayyaf ng P30 milyon para sa pagpapalaya sa Norwegian at P20 milyon naman para sa kaligtasan ng tatlong Indonesian.
Tapos na ang bangungot para kay Sekkingstad; buhay siya, samantalang pinugutan ang dalawa niyang kasamahang Canadian. Nagpasalamat naman ang gobyernong Norwegian sa Pilipinas.
Gayunman, para sa gobyerno ng Pilipinas ay hindi sapat na dahilan ang pagpapalaya kay Sekkingstad para magbunyi tayo.
Sa kabila ng mga apela at pakiusap ni Prime Minister Justin Trudeau ay pinugutan ang mga bihag na Canadian na sina Ridsdell at Hall. Sa ilang buwan nang operasyon ng militar, nagawa pa ring magpalipat-lipat ng Abu Sayyaf sa kagubatan para makaiwas sa mga pag-atake ng militar kasama ang marami nitong bihag.
Nananatiling matindi ang puwersa ng Abu Sayyaf sa Katimugan. Sinikap ng administrasyong Aquino na makipagnegosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng mga nakalipas na administrasyon sa MNLF ni Misuari. Nagsasagawa naman ngayon ang gobyernong Duterte ng usapang pangkapayapaan sa New People’s Army. Ngunit mayroong iba pang mga armadong grupo—kabilang sa mga ito ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang grupong Maute, at siyempre pa, ang Abu Sayyaf—na pawang kumikilos nang may kabuuang pagbalewala sa awtoridad ng gobyerno ng Pilipinas.
Huwag na nating hintayin pang magkaroon ng panibagong pagdukot sa Samal island, na karaniwang nauuwi sa pamumugot habang sindak na nakaantabay ang buong mundo. Napakaraming pagbabago ang kailangan ng ating bansa, ngunit ang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao ang dapat na maging prioridad ng administrasyong Duterte sa listahan ng mga dapat na isailalim sa pagbabago.