Muling sasabak sa United States si Philippine super bantamweight champion Jhon Gemino sa pagkasa sa walang talong African na si Toka Kahn Clary sa Sabado sa Osceola Heritage Center, Kissimmee, Florida.
Dehado sa laban si Gemino na lehitimong 122 lbs. boxer, samantalang lumalaban hanggang super featherweight si Clary kaya tiyak na mas malaki siya sa Pilipino sa oras ng laban.
Unang kumasa sa Amerika si Gemino noong nakaraang Hunyo 4 sa StubHub Center, Carson, California kung saan nakipagsabayan siya sa walang talong lightweight boxer na si Christian Gonzalez ng US pero natalo sa 8-round unanimous decision.
Walang kinatatakutan si Gemino na lumaban sa mas malalaking boksingero sa ibang bansa tulad ng pagkasa niya at pagkatalo sa mga Mexican na sina ex-WBC Silver super bantamweight ruler Andres Gutierrez, dating interim WBO bantamweight champion Daniel Rosas at ex-IBF super flyweight titlist Juan Carlos Sanchez Jr. sa iba’t ibang lugar sa Mexico.
Sa kanyang huling laban noong nakaraang Agosto 5 sa Gauteng, South Africa, tiniyak ni Gemino na hindi siya madadaya sa pagpapatulog kay one-time world title challenger at dating South African bantamweight titlist Toto Helebe sa 7th round.
May kartada si Gemino na 14-7-1, tampok ang anim na pagwawagi sa knockouts samantalang ang tubong Monrovia, Liberia sa Africa na si Clary ay may rekord na perpektong 19-0. (Gilbert Espeña)