coco-copy

PINURI ng Kongreso ang ABS-CBN primetime series na FPJ’s Ang Probinsyano sa pagpapalaganap nito ng crime awareness at prevention sa mga manonood at inendorso ang bida ng serye na si Coco Martin upang maging Celebrity Advocate for a Drug-Free Philippines.

Sa inihaing House Resolution No. 358 ni Rep. Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs noong Setyembre 14, pinuri ang producers, cast, at crew ng FPJ’s Ang Probinsyano sa matapang na pagtalakay ng mahahalaga at kontrobersiyal na isyu gaya ng kurapsyon, medical malpractice, narco politics, ninja cops, sex trade, paggawa ng illegal drugs, drug couriers at pagbebenta ng party drugs.

“Isinisiwalat ng FPJ’s Ang Probinsyano ang samahan ng mga sindikato ng droga na kinasasangkutan ng mga iskalawag na pulis habang ipinakikita rin ang hirap at dedikasyon ng mga huwarang miyembro ng kapulisan,” sabi ni Barbers sa House resolution.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ayon kay Rep. Barbers, tinatalakay din ng palabas ang mga isyu gaya ng pagnanakaw, homicide, illegal recruitment, extortion, kidnapping, carnapping, cybercrime, guns for hire, riding in tandem, fraud, child abuse, human trafficking, terrorism, at drug trafficking.

Pinuri rin niya ang pagbibigay kaalaman ng palabas sa modus operandi ng mga sindikato sa pag-recruit ng mga tauhan o pagbihag ng mga susunod na biktima gamit ang infomercial segment ng serye na inilalahad ni Coco ang mga krimen, multa, at mga paraan upang makaiwas sa mga ito.

“Ipinakikita rin ng palabas ang kahalagahan ng pamilya at komunidad, partikular na ang opsiyales ng barangay sa pagpapatupad ng batas at pagpaparusa sa mga kriminal,” dagdag pa niya.

Pinuri rin ang mahusay at epektibong pagganap ni Coco sa iba’t ibang karakter gaya na lang ni SPO2 Ricardo Dalisay, ang kambal nitong si Ador de Leon, at ang babaeng undercover agent na si Paloma.

Isang taon nang umeere ang FPJ’s Ang Probinsyano pero patuloy pa rin itong tinatangkilik at nakakatanggap ng mga papuri mula sa mga manonood. Ito ang numero unong teleserye sa bansa, base sa survey data ng Kantar Media. Kinilala na rin ang Kapamilya serye ng iba’t ibang award-giving body kabilang ang Gawad Tanglaw, Anak TV Awards, at Paragala Awards para sa tagumpay at impluwensya nito sa mga manonood.