Magpapamalas ng katatagan ang Far Eastern University-NRMF at Wang’s Ballclub sa kanilang unang hataw sa 2016 MBL Open basketball tournament sa Aquinas gym sa San Juan.
Inaasahang magiging kapana-panabik ang laro ganap na 7:00 ng gabi sa pagitan ng FEU-NRMF, binubuo ng mga dating PBA stars at collegiate standout, at Wang’s Ballclub, na tinatampukan naman ng mga papasikat na cage stars na nahasa sa commercial leagues
Ang lahat ay nakatuon kay dating PBA Rookie of the Year Marlou Aquino at iba pang PBA legends na inaasahang may ibubuga pa sa tournament na itinataguyod ng Smart Sports, Ironcon Builders, Star Bread, Dickies Underwear at Gerry’s Grill.
Ang 6-9 na si Aquino, itinuturing isa sa mga pinaka-dominanteng big men na naglaro sa PBA, ang mamumuno sa star-studded team na kinabibilangan din ng mga ex-PBA players na sina Arnold Gamboa, Egay Billones, Francis Adriano, Al Vergara , Eric Rodriguez at Cray Crellin.
Si Gamboa ay naglaro ng walong taon sa Sta. Lucia, San Miguel at Purefoods; si Billones at nagpakitang gilas sa Purefoods, Talk N Text at Air21; si Adriano sa Sta. Lucia, San Miguel at Red Bull; si Vergara sa Purefoods, Barako Bull at Globalport ng apat na taon; at si Rodriguez sa Air21, Meralco, Ginebra at tatlong taon.
Gayunman, inaasahan ng FEU-NRMF na dadaan sila sa matinding pagsubok mula sa Wang’s Ballclub.
Sa pamamahala ni MBL chairman Alex Wang at coach Pablo Lucas, ang Wang’s Ballclub ay pangungunahan nina Mar Reyes, brothers John and Jeff Montemayor, Rey Publico, Mark Montuano, Cedric Labingisa, Macky Acosta, Billy Afable at Jason Perez.
Ang Mandaluyong-based team ay umani ng respeto mula sa mga eksperto dahil sa maganda nilang paglalaro sa PBA Developmental League at FilSports Basketball Association.