Naghahanda na ng mga kaukulang ebidensya ang Department of Justice (DoJ) para sampahan ng kasong kriminal si Senator Leila de Lima, matapos itong idiin ng mga testigo sa umano’y pagtanggap ng drug money mula sa mga drug lord sa New Bilibid Prison (NBP).

Sa kabila ng posisyon ni Speaker Pantaleon Alvarez na hindi gagamitin sa pagsasampa ng kaso laban kay De Lima ang mga testimonya at ebidensyang makakalap sa pagdinig na isinasagawa ng House Committee on Justice, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na ang mga lumitaw na ebidensya ay sapat para sampahan ng kasong kriminal si De Lima.

“Ang gusto nating i-file ay iyong talagang airtight, hindi lamang probable cause. Ang gusto natin ay proof beyond reasonable doubt kung ang ating testimonial evidence ay masusuportahan ng documentary evidence katulad ng bank accounts,” ayon kay Aguirre.

Sinabi naman ni Rep. Harry Roque na sa testimonya pa lang nina dating NBI Intelligence agent Jovencio Ablen Jr., at dating NBI Director Rafael Ragos, madidiin na si De Lima.

Isang dekada, kailangan para maisaayos educ crisis sa bansa—EDCOM2

Sinabi ng mga ito na nag-deliver sila ng P10 milyon kay De Lima at drayber nitong si Ronnie Dayan, umano’y sapat na basehan para kasuhan ng graft si De Lima.

Kahapon din, nanawagan si Roque na mag-resign na si De Lima.

Sa kaso laban kay De Lima, sinabi ni Aguirre na ang kailangan na lang ay ang kumpirmasyon ng Anti-Money Laundering Council hinggil sa bank transactions ng mga personalidad na binanggit ng mga testigo.

Sa panig naman ni House Minority Leader Danilo Suarez, pwede ring ebidensya ang telephone records ni De Lima at drug lord na si Jaybee Sebastian.

Testigo pa

Sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon, iprinisinta sa komite ang mga testigo na sina convicts Noel Martinez at Jaime Patcho, ‘bossman’ ng mga grupo ng preso---ang Genuine Ilocano Gang at Batman Gang.

Sinabi ni Martinez na nakita niya si De Lima na bumibisita sa kubol ni Sebastian noong 2013.

“Sa lahat ng pagkakataon ng pagpunta ni Secretary De Lima sa kubol ni Jaybee, silang dalawa lang, iniiwan namin,” ani Martinez.

Sina Sebastian at Ronnie Dayan ay ipatatawag ng komite sa mga susunod na pagdinig.

Sa panig naman ni Patcho, nagpahayag ito ng takot para sa kaligtasan niya at kanyang pamilya.

“Sana matulungan kaming mga preso na laging inaabuso tulad nang nangyari sa amin noong panahon ni Secretary De Lima,” ani Patcho. (Ben R. Rosario)